Kung papansinin nating mabuti, ang katawan ng tao ay mayroong dalawang bahagi, at ang bawat bahagi nito ay nangangailangan ng pagkain upang maging malakas. Sa madaling salita ay ang dalawang bahaging ito ay ang pisikal na bahagi at ang ispirituwal na bahagi ng katawan. Ang pisikal na bahagi ay pinakakain ito sa pamamagitan ng mga pagkain tulad ng kanin, tinapay, karne at tubig o anumang mga pagkain upang maging malusog ang katawan. Kaya kung pinakakain ang pisikal na bahagi ay gayon din ang ispirituwal na bahagi nito, kailangan ding pakainin ito upang maging malusog at malayo sa pagkakasala, at ang pagkain nito ay ang pagsasagawa ng Salâh o kaya’y ang pagsamba sa Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā).
Ayon kay Abū Hurayrah (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: narinig ko ang Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na nagsasabi: “Ano sa tingin ninyo, kung may isang ilog sa tabi ng pintuan ng isa sa inyo at doon naghuhugas (o naglilinis) ng limang beses bawat araw, mayroon pa kayang matitirang dumi sa kanya?” Sinabi nila: wala na pong matitirang dumi sa kanya. Sinabi niya: “Iyan ay katulad ng limang beses na pagsasagawa ng Salâh, tinatanggal ng Allǎh ang kasalanan.” Napagkasunduan ang Ḥadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim, Tingnan ang Sharḥ Riyāḍuṣ Ṣāliḥeen, Ḥadeeth 1/1042, Ikatlong Bahagi, Pahina 264.
Samakatuwid, ang tao ay naliligo o naghuhugas para maging malinis ang pisikal na bahagi ng kanyang katawan, gayon din ang ispirituwal kailangang linisin ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Salāh.