Ang Kahulugan ng Eemān

pananampalataya

Bismillǎh, Alḥamdulillǎh, Waṣṣalaatu Wassalaamu ‘Alaa Rasoolillǎh…

Ang Eemān ay salitang arabik na ang literal na kahulugan nito ay ang pananampalataya o kaya ay paniniwala, at sa wikang ingles ay “Faith”. Ito ay ang pagtalima ng puso sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagsasagawa sa mga saligan nito upang maisabuhay ang mga pananampalataya para sa nag-iisang tunay na Diyos.

Ang pananampalataya ng isang Muslim ay hindi lagi nang magkakatulad ang antas sapagkat ito ay maaaring bumaba o tumaas, ngunit sa pamamagitan ng mga kaalaman na natututunan sa araw-araw na pilit isinasabuhay ng taong nananampalataya ay ang Eemān o pananampalataya nito ay magiging matatag at malakas.

Ang Eemān ay ang pananampalataya sa Allǎh (سبحانه وتعالى) na nag-iisang tunay na Diyos, pananampalataya sa Kanyang mga Anghel, pananampalataya sa Kanyang mga Aklat o Kasulatan, pananampalataya sa Kanyang mga Propeta at Sugo, pananampalataya sa Huling Araw at pananampalataya sa kapalaran mabuti man ito o masama.

Ang Eemān ay mayroong mga sanga o mga bahagi nito. Ayon kay Abū Hurayrah (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم): “Ang pananampalataya ay humigit pitumpu na bahagi o kaya ay animnapu na bahagi nito, at ang higit na mainam (na bahagi) nito ay ang pagsasabi ng “Lā ilāha illa-Allǎh” walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allǎh, at ang higit na mababa (na bahagi) nito ay ang pag-aalis (o pagtanggal) ng anumang sagabal ng daan; at ang hiya ay kabilang din sa bahagi ng pananampalataya.”  Iniulat ang Ḥadeeth na ito ni Muslim, Tingnan ang Mukhtaṣar Al-Fiqh Al-Islāmi, Pahina 32.

Isa sa kagandahan ng relihiyong Islām na kahit pala ang pag-alis o pagtanggal ng anumang nakakasagabal sa daan tulad halimbawa ng dumi, bato, butil o anumang mga nakakasagabal sa dinadaan ng tao ay kabilang na rin sa bahagi ng panananampalataya, na hindi natin napapansin ay nagkakaroon pala tayo ng gantimpalaya.

Related Post