Ang Pakikipagtalik Habang Nag-aayuno

Pakikipagtalik sa Asawa sa Araw ng Ramaḍân

Ipinagbabawal sa isang nag-aayuno na makipagtalik sa kanyang asawa habang siya’y nag-aayuno, ngunit ipinahihintulot naman ito sa gabi. Kapag nakipagtalik ang sinumang nag-aayuno at alam niyang ipinagbabawal ito na gawin sa araw ng Ramaḍân ay narito ang mga hatol:

  1. Nasira ang kanyang pag-aayuno.
  2. Nagkasala at kailangang magbalik-loob.
  3. Magkakaroon ng Qaḍâ.
  4. Magkakaroon ng Kaffârah.

Subalit ang pakikipagtalik sa pamamagitan ng panaginip ay hindi nakakasira sa pag-aayuno, kaya ang sinumang managinip ng pagtatalik (wet dreams) habang siya’y nag-aayuno ay ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aayuno. Ayon sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Itinaas ang panulat sa tatlong kadahilanan: sa baliw hanggang siya’y magkaisip, at sa natutulog hanggang siya’y gumising, at sa sanggol hanggang siya’y umabot ng wastong gulang.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito nila Aⱨmad, Abu Dâwood at At-Tirmidzi. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 325.

Sa oras na magising ang sinumang nanaginip ng pagtatalik ay maliligo agad sapagkat siya ay Junob.

Kapag binanggit ang salitang Qaḍâ sa Ramaḍân ay ang kahulugan nito ay ang pagbayad sa pag-aayuno. Ibig sabihin ay kung sakaling merong hindi napag-ayunuhan sa mga araw ng Ramaḍân ay papalitan ito pagkatapos ng Ramaḍân, bibilangin ang mga araw na hindi napag-ayunuhan at ito ay pag-aayunuhan.

Kapag binanggit naman ang salitang Kaffârah sa Ramaḍân ay ang ibig sabihin nito ay ang kabayaran ng taong nag-aayuno dahil sa kanyang kasalanang nagawa sa panahon na siya’y nag-aayuno katulad ng pakikipagtalik bahang nag-aayuno sa araw ng Ramaḍân. Kaya ang Kaffârah ng lalaking nakipagtalik sa kanyang asawa sa araw ng Ramaḍân ay:

  • Magpalaya siya ng isang alipin.
  • Kung wala siyang matagpuang alipin ay mag-ayuno ng dalawang buwan na sunud-sunod.
  • Kung hindi niya kayang mag-ayuno ng dalawang buwan na sunud-sunod ay magpakain ng animnapung (60) mga mahihirap.

Related Post