Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT), Siya lamang ang karapat-dapat nating purihin, Siya lamang ang hinihingian natin ng tulong, tayo’y magpapakopkop sa Allah (SWT) laban sa kasamaan ng ating mga sarili at laban sa kasamaan n gating mga gawain, ang sinuman ang patnubayan ng Allah (SWT) ay walang makakaligaw sa kanya at ang sinuman ang tatanggi mula sa patnubay ng Allah (SWT) ay walang makakapatnubay sa kanya.
Iba’t iba ang pamamaraan ng mga tao sa kanilang paghahanda sa buwan ng Ramadaan, ang iba ay naghahanda ng salapi para ipamili ng mga maraming pagkain at hindi na iniisip na minsan ay nabubulok lang ang mga pagkain dahil hindi rin nauubos, ang iba ay naghahanda ng kanilang tulugan para maaliwalas ang pagtulog at hindi mamalayan ang pagsapit ng gabi, ang iba ay naghahanda ng mga pelikula o mga palabas para makapanood at hindi maramdaman ang gutom, at marami pang pamamaraan ng paghahanda ng mga tao na kung saan ay hindi nilalagay sa mabuting plano sang-ayon sa purpose ng pag-aayuno ang ganap na pagkatakot sa Allah (SWT).
Mga kapatid, babanggitin natin ang dalawang pamamaraan ng paghahanda na kung saan ay makakatulong sa atin upang ating matamo ang maraming gantimpala sa buwan ng Ramadaan:
- Ang paghahanda sa sarili at sa mga gawain:
Ang ibig sabihin ng paghahanda sa sarili ay ihanda natin ang ating sarili masasabik tayo sa pagdating ng buwan ng Ramadaan kaya tayo ay laging manalangin sa Allah (SWT) na ipagkaloob Niya sa atin na makaabot tayo sa buwan na ito. At ang ibig sabihin naman ng paghahanda sa mga gawain ay magkaroon tayo ng plano kung ano ang gusto nating gawin sa buwan ng Ramadaan, halimbawa maglayunin tayo na babasahin natin ang buong Banal na Qur’an sa loob ng isang buwan, magbalik-loob tayo sa Allah (SWT) sa madaling salita nakaplano na ang gagawin natin sa buwan na ito.
- Ang paghahanda sa da’wah:
Ang ibig sabihin ng paghahanda sa da’wah ay sikapin natin na makapagda’wah o makapag-anyaya sa mga tao patungkol sa pananampalatayang Islam, kumuha tayo ng mga babasahin at ipamigay natin sa mga kakilala man o hindi, kabilang dito ay sikapin natin na magkaroon ng araw-araw na pag-aaral o pagtuturo sa ating mga pamilya, asawa, anak, kapatid, kamag-anak at iba pa. Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an:
يَا أَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُواْ كُتِبَ عَلَيْكُمُ الصِّيَامُ كَمَا كُتِبَ عَلَى الَّذِينَ مِن قَبْلِكُمْ لَعَلَّكُمْ تَتَّقُونَ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “O kayong mga nananampalataya! Iniatas sa inyo ang pag-aayuno katulad ng pag-atas sa mga nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng ganap na pagkatakot.” (Al-Baqarah 2:183)