Ang mga taong pinahintulutang hindi na mag-ayuno subalit magkakaroon ng Qaḍâ ibig sabihin ay papalitan na lamang nila ang mga araw na hindi nila napag-ayunuhan pagkatapos ng Ramaḍân:
- Ang mga may karamdamang may lunas pa.
- Ang mga nasa paglalakbay.
Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
فَمَن كَانَ مِنكُمْ مَرِيضًا أَوْ عَلَى سَفَرٍ فَعِدَّةٌ مِنْ أَيَّامٍ أُخَرَ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Datapuwa’t sinuman sa inyo ang may karamdaman o nasa paglalakbay, ang nakatakdang bilang (mga araw na hindi napag-ayunuhan ay papalitan na lamang) sa ibang mga araw.” (Al-Baqarah 2:184)
Ang mga tao naman na pinahintulutang hindi na mag-ayuno subalit magkakaroon ng Fidyah ibig sabihin ay magpapakain na lamang araw-araw ng isang mahirap sa mga araw ng Ramaḍân:
1. Ang mga may karamdamang wala ng lunas.
Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَعَلَى الَّذِينَ يُطِيقُونَهُ فِدْيَةٌ طَعَامُ مِسْكِينٍ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At sa mga walang kakayahan sa pag-aayuno ay may fidyah (o kabayaran) na magpakain ng isang mahirap (miskeen).” (Al-Baqarah 2:184)
2. Ang mga matatandang lalaki at babae. Ayon kay Ibnu Àbbâs (Raḍi-Allǎhu Ànhâ) kanyang sinabi: “Binigyang labis na kalayaan ang matatanda na huminto sa pag-aayuno subalit magpakain araw-araw ng isang mahirap, at hindi na siya magkakaroon ng Qaḍâ.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito nina Ad-Dâr Qutni at Al-Ⱨâkim. Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 24/639, Ikalawang Bahagi, Pahina 173.