Hinggil sa palatandaan ng Laylatul Qadr ay nangangailangan ng tiyak na katibayan upang hindi malihis ang tao sa tamang katuruan, kaya ang mga sumusunod ay mga palatandaan nito mula sa mga katibayang mapapanaligang Ⱨadeeth. Ayon kay Ibnu Àbbâs (Raḍi-Allǎhu Ànhu), katotohanang ang Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ay nagsabi tungkol sa Laylatul Qadr: “Isang kasiya-siyang gabi, hindi mainit at hindi malamig, at ang pagdatal ng araw sa umaga nito ay mahina ang pula.” Tingnan ang Tafseer Ibnu Katheer sa Surah Al-Qadr.
Ayon naman kay Ubayy bin Ka’b (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: “Ito yong gabi (Laylatul Qadr) na pinag-utusan kami ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na magdarasal, ito ay ika-27 ng gabi, at ang palatandaan nito ay sisikat ang araw sa umaga nito na maputing walang sinag. Tingan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 348.
Mainam na Panalangin sa Laylatul Qadr
Isa sa pinakamahusay na panalangin (duȁ) na mainam bigkasin sa Laylatul Qadr ay ang itinuro ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) kay Ȁishah (Raḍi-Allǎhu Ànhâ), noong itinanong niya sa Propeta na kung sakaling mabatid niya ang Laylatul Qadr, ano ang kanyang sasabihin sa gabing iyon? Sinabi ng Propeta: “Sabihin mo: Allǎhumma Innaka àfuwwun tuⱨibbul àfwa fa’fu ànni” – kahulugan sa tagalong – O Allǎh! Katotohanang Ikaw ay mapagpatawad at minamahal Mo ang pagpapatawad, nawa’y patawarin Mo ako. Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 10/669, Ikalawang Bahagi, Pahina 173.