Mga Kahalagahan ng Pag-aayuno

Mga Kahalagahan ng Pag-aayuno

1. Ang pinakadiwa ng pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍân ay upang magkaroon ng ganap na pagkatakot.

Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:

يَاأَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُواْ كُتِبَ عَلَيْكُمُ الصِّيَامُ كَمَا كُتِبَ عَلَى الَّذِينَ مِن قَبْلِكُمْ لَعَلَّكُمْ تَتَّقُونَ. سورة البقرة

Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “O kayong mga nananampalataya! Iniatas sa inyo ang pag-aayuno katulad ng pag-atas sa mga nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng ganap na pagkatakot.” (Al-Baqarah 2:183)

2. Ang pag-aayuno ay isang paraan upang matamo ang pagiging matapat. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang hindi umiwas sa pagsasalita ng kasinungalingan at pagsasagawa nito ay hindi kailangan ng Allǎh ang kanyang pag-iwas sa pagkain at pag-inom.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Al-Bukhâri. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 2/1241, Ikatlong Bahagi, Pahina 390.

3. Ang pag-aayuno ay nagbibigay-aral ng pagiging matiyaga at matiisin. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Kapag ang araw na itinalaga kung kailan ang isa sa inyo ay nag-aayuno, siya ay marapat na huwag magsalita ng masama at huwag sumigaw, at kung may isa na nagmura sa kanya o kaya’y nakipag-away sa kanya, siya ay marapat na magsabi: katotohanang ako ay nag-aayuno.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1240, Ikatlong Bahagi, Pahina 390.

4. Ang pag-aayuno ay isang dahilan ng pagkapasok sa Paraiso. Ayon kay Abu Umâmah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: dumating ako kay Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) at aking sinabi: pag-utusan mo ako ng isang bagay na makapagpapasok sa akin sa Paraiso. Sinabi ng Propeta: “Ikaw ay mag-ayuno sapagkat ito ay walang katulad.” Pagkatapos ay dumating naman ako sa kanya sa ikalawang beses at sinabi ng Propeta: “Ikaw ay mag-ayuno.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito nila Aⱨmad, An-Nasâ-i at Al-Ⱨâkim at mabuti ang Ⱨadeeth na ito ayon sa kanya. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 320.

5. Ang pag-aayuno ay isang kapatawaran sa mga naunang kasalanan. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang mag-ayuno sa buwan ng Ramaân bilang pananampalataya at hangad matamo ang gantimpala ay patatawarin para sa kanya ang kanyang mga naunang kasalanan.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Mukhtaṣar Al-Fiqh Al-Islâmi, Pahina 625. Tingnan din ang Sharⱨ Riyâḍus Sâliⱨeen, Ⱨadeeth 5/1219, Ikatlong Bahagi, Pahina 379.

6. Ang pag-aayuno ay nagbibigay ng kabutihan sa kalusugan. Ayon sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Kayo ay mag-ayuno upang kayo ay maging malusog.” Tingnan ang Minhâj Al-Muslim, Pahina 284.

7. Ang pag-aayuno ay magiging tagapamagitan sa araw ng paghuhukom. Ayon kay Àbdullǎh bin Omar (Raḍi-Allǎhu ànhu), katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Ang pag-aayuno at ang Qur’ân ay kapwa tagapamagitan para sa alipin (ng Allǎh) sa araw ng muling pagkabuhay, sasabihin ng pag-aayuno: O aking Panginoon! pinigilan ko siya sa pagkain at pagnanasa (habang siya’y nag-aayuno) sa araw (ng Ramaân), nawa’y iligtas Mo siya sa pamamagitan ko. At sasabihin ng Qur’ân: pinigilan ko siya sa pagtulog (siya’y nagbabasa ng Qur’ân) sa gabi, nawa’y iligtas Mo siya sa pamamagitan ko, kaya magiging tagapamagitan silang dalawa (ang pag-aayuno at ang Qur’ân).” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Aⱨmad. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 320.

8. Ang pag-aayuno ay isang pabango ng hininga sa araw ng paghuhukom. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam):“Sumpa man sa Namamatnugot ng buhay ni Muammad, ang amoy ng bibig ng nag-aayuno ay higit na mabango para sa Allǎh sa araw ng muling pagkabuhay kaysa sa pabangong Musko (Misk).” Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 320.

9. Ang pag-aayuno ay isang kasiyahan sa araw ng paghuhukom. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Para sa nag-aayuno ay mayroong dalawang kasiyahan na magiging masaya: kapag itinigil na niya ang kanyang pag-aayuno (mag-ifâr) ay nasisiyahan siya dahil sa kanyang pagtigil sa pag-aayuno (pag-ifâr), at kapag nakatagpo na niya ang kanyang Panginoon ay nasisiyahan siya dahil sa kanyang pag-aayuno.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni At-Tirmidzi. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 338.

10. Tatanggapin ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) ang panalangin ng taong nag-aayuno. Ayon sa naisalaysay na Ⱨadeeth, katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Tatlong panalanging hindi babalewalain: ang (panalangin ng taong) nag-aayuno hanggang hindi pa maitigil nito, at ang matuwid na Imâm (o pinuno), at ang naaapi.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni At-Tirmidzi. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 338.

11. Mayroong espesyal na pintuan sa Paraiso para sa mga nag-aayuno. Ayon kay Sahl bin Sa’d (Raḍi-Allǎhu ànhu), katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Katotohanang mayroong pintuan sa Paraiso na ang tawag rito ay: Ar-Rayyân, magsasabi sa araw ng muling pagkabuhay: nasaan ang mga nag-ayuno? At kapag nakapasok na ang pinakahuli sa mga nag-ayuno ay magsasara na ang pintuang ito.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 321.

12. Ang Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) na mismo ang magbibigay ng gantimpala sa mga nag-aayuno. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinabi ng Allǎh Àzza wa Jalla: Ang bawat gawain ng angkan ni Adan ay para sa kanya maliban na lamang sa pag-aayuno, sapagkat ito ay para sa Akin at Ako na mismo ang magbibigay ng gantimpala.” Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍus Sâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1215, Ikatlong Bahagi, Pahina 376. Tingnan din ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 320.

 

Related Post