Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadaan ay isang tungkulin ng bawat Muslim lalaki man o babae na nasa wastong gulang at wastong pag-iisip. Magsisimula ang pag-aayuno sa Ramadaan kapag nakita ang buwan sa ika-29 ng Sha’baan at kung hindi nakita ay kompletuhin ang Sha’baan ng tatlumpung araw, ganyan ang katuruan sa atin ng Sugo na si Propeta Muhammad (SAW) na kung saan ay dapat nating sundin, huwag salungatin para hindi malihis sa tamang landas.
Nakakasira sa pag-aayuno ang pagkain ng anumang pagkain at ang pag-inom ng anumang inumin, ang pakikipagtalik sa asawa, ang pagsusuka ng sinasadya.
Kapag dumapit na ang adzaan ng Maghrib na kung saan ay oras na ng pag-iftaar o pagkain ay kailangang kumain na agad kahit tamr (dates) man lang ang makain o kaya ay uminom ng tubig, huwag ipagpaliban ang pag-iftaar ng matagal na paaabutin pa hanggang Salaatul Eeshaa saka kakain o kaya ay ipagpatuloy na ang pag-aayuno hanggang sa susunod na araw, ang ganitong gawain ay wala sa katuruan sa Islam bagkus ito ay ipinagbabawal.
Mainam na agaan ang pag-iftaar kapag dumating na ang oras nito samantalang mainam naman na huwag agaan ang pag-suhoor.
Ang mga taong hindi makapag-ayuno dahil sa may sapat na kadahilanan kung bakit hindi sila makapag-ayuno tulad ng mga nasa paglalakbay, mga may sakit o kaya ay ang mga babaeng nasa buwanang dalaw ay papalitan lamang nila ang mga araw na hindi nila napag-ayunuhan pagkatapos ng Ramadaan. Ang mga matatanda naman na hindi na kayang mag-ayuno at ang mga may malubhang sakit na wala ng pag-asang gagaling pa ay magpapakain araw-araw ng isang mahirap, ito ang tinatawag sa arabik na fidyah.
Nawa’y tanggapin ng Allah (SWT) ang ating pag-aayun at pagsamba sa Kanya.