Ang Laylatul Qadr ay matatagpuan sa gabi ng huling sampung araw ng Ramaḍân. May mga pananaw ang mga Pantas sa Islâm kung anong gabi ito matatagpuan, malamang ito ay sa mga gansal na araw, sa ika-21, 23, 25, 27 at 29. At karamihan sa mga Pantas ayon sa kanilang pananaw ay matatagpuan ito sa ika-27 ng Ramaḍân.
Narito ang ilan sa mga naisalaysay na Ⱨadeeth ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): Ayon kay Ȁishah (Raḍi-Allǎhu Ànhâ), katotohanang ang Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ay nagsabi: “Sikapin ninyong bantayan ang Laylatul Qadr sa gansal ng huling sampung araw ng Ramaḍân.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Al-Bukhâri. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 4/1192, Ikatlong Bahagi, Pahinan 351. Tingnan din ang Tafseer Ibnu Katheer sa Surah Al-Qadr. Ayon naman kay Ibnu Omar (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang nagsusumikap na bantayan ito (Laylatul Qadr), ay sikaping bantayan ito sa gabi ng ika-27.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Aⱨmad. Tingan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 348.
Si Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ay matiyagang nagsusumikap sa pagsamba para sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) kapag pumasok na ang huling sampung araw ng Ramaḍân na kung saan ay hindi niya pangkaraniwang ginagawa ito sa ibang panahon. Ayon kay Ȁishah (Raḍi-Allǎhu Ànhâ) kanyang sinabi: “Nakaugalian ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na kapag pumasok na ang sampung araw – ang huling sampung araw ng Ramaḍân – ay hinihigpitan niya ang kanyang suot sa bandang ibaba (tinatalikdan niya ang gawaing mag-asawa at nagsusumikap sa mga pagsamba), at pinapasigla niya ang kanyang gabi (gumigising sa gabi), at ginigising niya ang kanyang pamilya.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 2/661, Ikalawang Bahagi, Pahina 184.