Malalaman kung kailan mag-uumpisa ang pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍân sa pamamagitan ng dalawang bagay:
- Sisilipin ang buwan sa ika-29 ng Sha’bân, at kapag nakita ang buwan ay mag-uumpisa na ang mga Muslim sa pag-aayuno kinabukasan.
- Kung sakaling hindi nakita ang buwan sa ika-29 ng Sha’bân, ay kompletuhin ang tatlumpung araw ng Sha’bân.
Kailangang silipin ang buwan bago mag-umpisa sa pag-aayuno sapagkat ito ay alinsunod sa kautusan ni Propeta Muⱨammad r. Ayon kay Abu Hurayrah t kanyang sinabi: katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad r: “Kayo ay mag-ayuno kapag nakita ang buwan, at kayo ay tumigil sa pag-aayuno kapag nakita ang buwan, datapuwa’t kung hindi ninyo nakita (ang buwan) dahil sa lambong ng ulap, kung gayon ay kompletuhin ninyo ang Sha’bân ng tatlumpung araw.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 323.
Noong kapanahunan ni Propeta Muⱨammad r ay nakita ang buwan. Ayon kay Ibnu Àbbâs t, katotohanang dumating ang isang lalaki kay Propeta Muⱨammad r at kanyang sinabi: katotohanang nakita ko ang buwan; sinabi ng Propeta: “Ikaw ba ay sumasaksi na walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allǎh?” sinabi ng lalaki: opo; sinabi ng Propeta: “Ikaw ba ay sumasaksi na si Muⱨammad ay Sugo ng Allǎh?” sinabi ng lalaki: opo; sinabi ng Propeta: “Kung gayon, O Bilâl! sabihin mo sa mga tao na mag-ayuno na sila bukas.” Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 6/621, Ikalawang Bahagi, Pahina 163.
Ang bilang ng mga araw ng pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍân ay maaaring 29 o kaya’y 30 na araw, sapagkat ito ay base sa paglitaw ng buwan sa pagtatapos ng Ramaḍân dahil kapag nakita ang buwan sa ika-29 ng Ramaḍân ay obligadong magdasal na ng Eid kinabukasan, at kapag hindi nakita ang buwan ay ipagpatuloy ang pag-aayuno ng isa pang araw.