Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT), Siya lamang ang karapat-dapat nating purihin, Siya lamang ang hinihingian natin ng tulong, tayo’y magpapakopkop sa Allah (SWT) laban sa kasamaan ng ating mga sarili at laban sa kasamaan n gating mga gawain, ang sinuman ang patnubayan ng Allah (SWT) ay walang makakaligaw sa kanya at ang sinuman ang tatanggi mula sa patnubay ng Allah (SWT) ay walang makakapatnubay sa kanya.
Ang pananampalataya sa Huling Araw ay ang lubos na paniniwala na mayroong Araw ng paghuhukom, lubos na paniniwala ng walang pag-aalinlangan sa lahat ng mga nabanggit sa Banal na Qur’an at sa mga Hadeeth ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (SAW) tungkol sa mga pangyayari pagkatapos ng kamatayan ng tao, tulad ng pagkakaroon ng kaparusahan at kaginhawaan sa libingan, ang pagkabuhay muli, ang pagtitipon, ang listahan sa mga gawaing mga mabubuti o mga masasama, pagsisiyasat at paghahatol sa mga tao, ang lawa, ang tulay na daanan, ang Paraiso at ang Impiyerno.
Ag Huling Araw ay ang Araw ng muling pagkabuhay, babangon ang lahat ng mga tao mula sa kani-kanilang libingan kapag dumating na ang araw na iyon. Sa araw na ito mananatili ang mga taong nakatalaga na mapupunta sa Paraiso at ang mga taong nakatalaga na mapupunta sa Impiyerno. Kaya dalangin natin sa Allah (SWT) na ipagkaloob Niya sa atin ang Paraiso.
Ang pananampalataya sa mga Huling Araw ay naaangkop ang tatlong bagay:
- Ang paniniwala sa muling pagkabuhay (ba’th), kapag hinipan na ng Anghel ang trumpeta sa ikalawang pag-ihip ay magsitayo ang lahat ng mga tao mula sa kani-kanilang libingan.
- Ang paniniwala sa pagsisiyasat at paghahatol (al-hisaab wal-jazaa), sisiyasatin ang tao at gagantimpalaan ayon sa kanyang gawain.
- Ang paniniwala sa Paraiso at Impiyerno (al-Jannah wan-Naar), na ito ay buhay na walang hanggang na kung saan ang Paraiso ay tahanan ng kaginhawaan na itinalaga ng Allah (SWT) sa mga mananampalataya, may ganap na pagkatakot sa Allah (SWT) na sumusunod sa mga ipinag-utos ng Allah (SWT) sa kanila. Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an:
إِنَّ الَّذِينَ آمَنُوا وَعَمِلُوا الصَّالِحَاتِ أُوْلَئِكَ هُمْ خَيْرُ الْبَرِيَّةِ. جَزَاؤُهُمْ عِندَ رَبِّهِمْ جَنَّاتُ عَدْنٍ تَجْرِي مِن تَحْتِهَا الأَنْهَارُ خَالِدِينَ فِيهَا أَبَدًا رَّضِيَ اللهُ عَنْهُمْ وَرَضُوا عَنْهُ ذَلِكَ لِمَنْ خَشِيَ رَبَّهُ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanan, sila na mga nananampalataya at gumagawa ng mga kabutihan ay sila ang mainam na mga nilalang. Ang kanilang gantimpala mula sa kanilang Panginoon ay mga Paraisong pangpanatilian na dumadaloy sa ibaba nito ang mga ilog, mananatili sila doon magpakailanman, nalulugod ang Allah sa kanila at kanila din kinalulugdan Siya, ito ay para sa sinumang may pangangamba (takot) sa kanyang Panginoon.” (Surah Al-Bayyinah 98:7-8)