Sa ngalan ng Allah, walang makakapinsala sa Kanyang pangalan na anumang bagay sa kalupaan ni sa kalangitan at Siya ang higit na nakakarinig at nakakaalam.
Ang pinakamainam na gawain sa pakikinabang ng oras matapos ang oras ng pagbabasa ng Qur’an ay ang pagsambit ng Dzik’r o paggunita sa Allah (SWT).
Isang reyalidad na sa sibilisasyong panahon na talamak na ang maaaring pagpalipasan ng oras na mga makamundong bagay lalo na karamihan sa mga kabataan ngayon. Lubos na mapalad na maituturing ang mga nananampalataya sa Islam ang binibiyayaan pa ng Allah (SWT) ng pagkakataon, wastong pag-iisip at malusog na pangangatawan kaakibat nito sa pamamagitan ng biyaya ng pagsasalita na kasangkapan nito ay ang dila at puso. Ang biyayang ito ay maaaring nagagamit sa kabutihan o sa kasamaan.
Ang paggunita sa Allah (SWT) sa pang araw-araw na gawain tulad ng pagtulog, pagkagising, pagkain, pag-alis ng bahay at iba pa ay isa sa mga palatandaan ng lakas ng pananampalataya at katapatan ng pagmamahal sa Allah (SWT) dulot ng kabutihan nito at proteksyon laban sa kasamaan ng demonyo dahil itinataboy nito ang demonyo pati ang mga nilalang na masasama, gawaing nakakasira ng pananampalataya dulot ng dila tulad ng panlilibak at kasuklam-suklam na ipinagbabawal.
Ang paggunita sa Allah (SWT) ay isa sa mga paraan ng pagsamba sa Kanya at pananampalataya kasama na roon ang pagsunod sa Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (SAW). Sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’an: “Upang kayo (O sangkatauhan) ay manampalataya sa Allah at sa kanyang Sugo, at kayo ay tumulong at magparangal sa kanya (Muhammad) at (upang inyong) ipagbunyi ang mga pagluwalhati sa Kanya (Allah) sa umaga at sa hapon.” (48:9).
Napapaloob man sa kasiyahan o kapighatian, tanging ang Allah (SWT) ang unang nakakabatid nito na lubos at karapat-dapat na pinapapasalamatan o pinaghihingaluan ng tulong sapagkat ang paggunita sa Allah (SWT) ay nagsasanhi ng pagkalapit sa Kanya, pagkatakot sa Kanya, pagbabalik-loob sa Kanya, nakakatulong sa pagsunod sa Kanya at higit sa lahat nagsasanhi ng matinding pagmamahal sa Kanya. Sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’an: “Sila na mga sumasampalataya (sa Allah), at sa kanilang puso ay nakadarama ng kapanatagan sa paggunita sa Allah, katotohanan sa paggunita sa Allah ay nakakapanatag ng kalooban.” (13:28).
Dahil sa paggunita sa Allah (SWT), nakapagpapaalis ng ligalig at lumbay ng puso, nagdudulot ng kadalisayan at pagkapanatag na nakakapagtatag ng pananampalataya. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Ang paghahalintulad sa isang naggugunita sa kanyang Panginoon at sa hindi naggunita sa kanyang Panginon ay tulad ng buhay at patay.” (Al-Bukhaari at Muslim).
Samaktuwid, may mga pangangailangan din at kakulangan na walang makakatugon kundi ang pagsambit ng Dzik’r o paggunita sa Allah (SWT). Pinupunuan ng paggunita sa Allah (SWT) ang pusong nangangailangan ng patnubay at pagkalinga, at nakakabuhay ng pag-asa, inspirasyon at katiwasayan ng isip at puso. Sa mga oras naman ng pagkabahala / pagkatakot pati araw-araw na pangangailangan maging sa matinding pangangailangan, sa paggunita sa Allah (SWT) ay pinapadali nito ang mahirap, pinapagaan ang mabigat, at nagbibigay ng panustos dahil sinabi ng Allah sa banal na Qur’an: “Kaya’t alalahanin (gunitahin) ninyo Ako at alalahanin Ko kayo, at magpasalamat kayo sa Akin at huwag kayong hindi manampalataya.” (2:152).
Itinuro din ng Sugo ng Allah (SAW) ang Dzik’r sa pang araw-araw na pamumuhay sapagkat tunay din na mapalad ang mga tao lalong lalo na yong mga biniyayaan ng Allah (SWT) ng masaganang pamumuhay at pangangatawan kaya’t ang papuri ay para sa Allah (SWT) lamang at ang paggunita ay gamot sa anumang karamdaman at pinapalakas nito ang pananampalataya at katawan dahil dito malinaw ang sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’an: “Kung kayo ay magpasalamat tiyak na dadagdagan Ko sa inyo, subalit kung kayo ay hindi manampalataya (hindi magpasalamat) katotohanang ang Aking parusa ay matindi.” (14:7).
Sa pamamagitan ng pagsambit ng Dzik’r o paggunita sa Allah (SWT), sa panahon ng kaginhawaan ay alalahanin siya ng Allah (SWT) sa panahon ng kagipitan lalo na sa paghihingalo at kamatayan at isa sa mga kaligtasan mula sa parusa ng Allah (SWT).
Mula sa panulat ni Aisha Ismael.