Ang Tarāweeḥ ay salitang arabik na ang literal na kahulugan nito ay ang panggabing dasal pagkatapos ng Ṣalātul Eshā tuwing buwan ng Ramaḍān. Ito ay isang kanais-nais na pagdarasal na kung saan ay mainam na isagawa nang sabay-sabay (kongregasyon).
Kapag sinabi na Ṣalātut Tarāweeḥ, ang ibig sabihin nito ay pagdarasal ng Taraweeḥ, at sa ibang katawagan nito ay Ṣalātul Qiyām.
Ang Kahalagahan naman ng Tarāweeḥ, ang Ṣalātut Tarāweeḥ o kaya’y pagdarasal ng Tarāweeḥ ay isang kapatawaran sa mga naunang kasalanan. Narito ang isang Ḥadeeth ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan):
عن أبي هريرة رضي الله عنه قال: قال رسول الله صلى الله عليه وسلم: مَن قَامَ رَمَضَانَ إيمَانًا وَاحْتِسَابًا غُفِرَ لَهُ مَا تَقَدَّمَ مِن ذَنبِهِ. متفق عليه
Ayon kay Abu Hurayrah (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: Sinabi ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan): “Sinumang magdasal ng Qiyām (Tarāweeḥ) bilang pananampalataya at hangad matamo ang gantimpala ay patatawarin para sa kanya ang kanyang mga naunang kasalanan.” Napagkasunduan ang Ḥadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim. Tingnan ang Sharḥ RiyāḍuṣṢāliḥeen, Ḥadeeth 1/1187, Ikatlong Bahagi, Pahina 350.