Ang literal na kahulugan ng Laylatul Qadr sa wikang tagalog ay gabi ng kapasyahan o kaya’y gabing mapagpala. Ito ang gabi na kung saan ay inaasam-asam ng mga Muslim na makamit. Ang mga sumusunod ay mga kahalagahan ng Laylatul Qadr:
1. Sa gabing ito ibinaba ang Qur’ân mula sa Lawⱨul Mahfooẓ papunta sa unang langit o malapit na langit, bago baha-bahaging ipinahayag kay Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) sa loob ng dalawampu’t tatlong taon.
2. Sa gabing ito ay ang isang gawaing mabuti o pagsamba sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) ay mas mainam pa kaysa sa isang libong buwan, ang katumbas ng isang libong buwan ay walumpu’t tatlong taon at apat na buwan.
3. Sa gabing ito ay magsisibaba ang mga Anghel pati na si Jibreel (Anghel Gabriel) hinggil sa kapasyahan.
4. Ang buong gabi ng Laylatul Qadr ay kapayapaan hanggang sa pagdatal ng bukang liwayway.
Narito ang mga talata sa banal na Qur’ân hinggil sa Laylatul Qadr, ang Surah Al-Qadr:
إِنَّا أَنزَلْنَاهُ فِي لَيْلَةِ الْقَدْرِ. وَمَا أَدْرَاكَ مَا لَيْلَةُ الْقَدْرِ. لَيْلَةُ الْقَدْرِ خَيْرٌ مِنْ أَلْفِ شَهْرِ. تَنَزَّلُ الْمَلَائِكَةُ وَالرُّوحُ فِيهَا بِإِذْنِ رَبِّهِمْ مِن كُلِّ أَمْرٍ. سَلَامٌ هِيَ حَتَّى مَطْلَعِ الْفَجْرِ
Ayon sa kahulugan ng mga talatang ito: “Katotohanang Aming ibinaba ang Qur’ân sa Laylatul Qadr (gabi ng kapasyahan). At paano mo mapag-aalaman (O Muⱨammad) kung ano ang Laylatul Qadr?. Ang Laylatul Qadr ay mas mainan pa sa isang libong buwan. Nagsisibaba ang mga Anghel at ang Rooⱨ (Jibreel) sa kapahintulutan ng kanilang Panginoon hinggil sa kapasyahan. Kapayapaan hanggang sa pagdatal ng bukang liwayway.” (Al-Qadr 97:1-5)
إِنَّا أَنْزَلْنَاهُ فِي لَيْلَةٍ مُبَارَكَةٍ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanang Aming ibinaba ito (ang Qur’ân) sa gabing mapagpala.” (Ad-Dukhân 44:3)
Ang pagdarasal ng Laylatul Qadr ay isang kapatawaran sa mga naunang kasalanan. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang magdasal ng Laylatul Qadr bilang pananampalataya at hangad matamo ang gantimpala ay patatawarin para sa kanya ang kanyang mga naunang kasalanan” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1189, Ikatlong Bahagi, Pahina 351.