Ang Ifṭâr ay salitang arabik na ang kahulugan nito ay ang pagtigil sa pag-aayuno. Ang tamang oras ng Ifṭâr (o pagtigil sa pag-aayuno) ay kapag lumubog na ang araw o kaya’y kapag pumasok na ang oras ng Ṣalâtul Maghrib.
Kaya kapag sumapit na ang oras ng pag-ifṭâr o kapag natiyak na lumubog na ang araw ay ititigil na ang pag-aayuno, at kung sakaling wala pang pagkain o kahit tubig man lang ay maglayunin na lamang habang wala pang makain o mainom. Ang mainan na unang kainin tuwing itinitigil ang pag-aayuno ay mga Ruṭab (sariwang dates) o kaya’y mga Tamr (hindi sariwang dates) at kung sakaling walang matagpuan na Ruṭab o kaya’y Tamr ay uminom na lamang ng tubig alinsunod sa kaugalian ng Propeta. Ayon kay Anas (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: “Nakaugalian ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na bago magdasal (ng Ṣalâtul Maghrib) ay itinitigil niya (ang pag-aayuno) ng mga Ruṭab, at kung hindi mga Ruṭab ay mga Tamr, at kung hindi mga Tamr ay umiinom ng tubig.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito nina Abu Dâwood at At-Tirmidzi at sinabi niya na mabuti ang Ⱨadeeth na ito. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 7/1239, Ikatlong Bahagi, Pahina 388.
Kapag itinigil na ng nag-aayuno ang kanyang pag-aayuno sa takdang oras ng pagtigil nito, siya’y laging nasa kabutihan o biyaya. Ayon kay Sahl bin Sa’d (Raḍi-Allǎhu Ànhu), katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Patuloy na makakatanggap ng mabuti ang mga tao habang minamadali nila ang pag-ifṭâr.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1233, Ikatlong Bahagi, Pahina 387.
Sa isa pang naisalaysay na Ⱨadeeth, sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Katotohanang ipagkakaloob sa nag-aayuno sa oras ng kanyang pag-ifṭâr na hindi babalewalain ang kanyang panalangin.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito nina Ibnu Mâjah at Al-Ⱨâkim. Tingnan ang Minhâj Al-Muslim, Pahina 283.
Ang taong nagpapa-ifṭâr (nagpapakain) sa isang nag-aayuno ay matatamo niya ang gantimpalang katulad ng gantimpala ng nag-aayuno. Ayon kay Zayd bin Khâlid Al-Juhani (Raḍi-Allǎhu Ànhu), sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang magpa-ifṭâr (magpakain) sa isang nag-aayuno, mayroong matatamo na gantimpalang katulad ng gantimpala niya (nag-aayuno), na hindi mababawasan ang gantimpala ng nag-ayuno kahit na kaunti.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni At-Tirmidzi, at sinabi niya na ang Ⱨadeeth na ito ay mabuti at tama. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1265, Ikatlong Bahagi, Pahina 401.
Panalangin Tuwing Mag-Ifṭâr
Narito ang panalangin ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) tuwing itinitigil na niya ang kanyang pag-aayuno: “Allǎhumma Laka ṣumnâ waàlâ rizqika aftarnâ, fataqabbal minnâ Innaka Antas sami’ol àleem” – kahulugan sa tagalog – O Allǎh! kami ay nag-aayuno para sa Iyo, at sa Iyong biyaya kami ay mag-iifṭâr (titigil na sa pag-aayuno), nawa’y tanggapin Mo sa amin, katotohanang Ikaw ang higit na nakakarinig, ang nakakaalam. Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Abu Dâwood. Tingnan ang Minhâj Al-Muslim, Pahina 292.