Nakarating si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) sa taas ng ikapitung antas ng langit sa Sidratul Muntahaa na kung isulat sa Arabik ay ganito (سدرة المنتهى) – napakalaking punong kahoy na ang tawag doon ay Shajaratun Nabk na kung isulat sa Arabik naman ay ganito (شجرة النبق) at sa tabi nito ay ang Paraiso. Doon ipinag-utos ng Allǎh kay Propeta ang pagdarasal ng limampung beses (50x) sa loob ng isang araw.
Nang bumaba na si Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) mula sa Sidratul Muntahaa (سدرة المنتهى) ay nadaan niya si Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan), tinanong siya ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan): Ano ang ipinag-utos sa iyo ng iyong Panginoon? Sinagot ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan): Ipinag-utos ng Allǎh ang limampung beses na pagdarasal. Sinabi ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan): Hindi makakayanan ng iyong mga Ummah (pamayanan) kaya’t bumalik ka sa iyong Panginoon, hingiin mo sa Kanya na bawasan! Lumingon si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) kay Jibreel (Anghel Gabriel).
Ang paglingon ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) kay Jibreel (Anghel Gabriel) ay isang senyas na ibig niyang maibalik muli sa taas sa Sidratul Muntahaa (سدرة المنتهى), kaya ibinalik siya ng Anghel doon at hiningi niya sa Allǎh na bawasan ang limampung beses na pagdarasal; pagkatapos ay bumaba na siya at nang madaanan niya si Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) ay binanggit niya sa kanya na nabawasan na – ibig sabihin ay nabawasan ng lima at naging apatnapu’t lima lang ang natira. Sinabi sa kanya ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan): Bumalik ka sa iyong Panginoon, hingiin mo sa Kanya na bawasan pa! Bumalik naman ulit si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) hanggang sa ilang beses na siya pabalik-balik dahil sa bawat madaan niya si Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) ay pinapapabalik siya upang hingiin sa Allǎh na bawasan pa. dahil dito ay naging limang beses (5x) lang ang pagdarasal sa loob ng isang araw. Nang malaman ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) na limang beses lang ang ipinag-utos na pagdarasal sa loob ng isang araw ay pinapapabalik pa niya si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) subalit hindi na nakayanan ni Propeta na bumalik sa Sidratul Muntahaa (سدرة المنتهى) upang hingiin sa Allǎh na bawasan ang limang beses na ito.
Tunay na napakalaking biyaya sa atin ng Allǎh na kung saan ginawa Niyang limang beses lang sa loob ng isang araw ang obligadong pagadarasal, at ang bawat isang pagdarasal ay katumbas ng sampung kabutihan o gantimpala, kaya ang limang beses na ito ay katumbas din ng limapung beses.
Ang pagdarasal mga kapatid ay napakahalaga sa ating buhay sapagkat katotohanang ang pagdarasal o pagsamba ang siyang dahilan kung bakit tayo nilikha ng Allǎh. Bilang karagdagang kaalaman, noong hindi pa nagkaroon ng Israa wal Mi’raaj si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) ay ang kanyang pagdarasal ay dalawang beses sa loob ng isang araw – ibig sabihin ay dalawang Rak’ah sa umaga at dalawang Rak’ah naman sa hapon o gabi.