Bismillah, Alḥamdulillah, Wassalaatu Wasslaamu ‘Alaa Rasoolillah…
Ang mababanggit natin sa ngayon ay isang kasaysayan na bagama’t ang kasaysayan na ito ay mapupulutan natin ng magagandang aral, ito po ay isa sa kasaysayan ng Saḥaabi ni Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) na si Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى), at nangyari ang ito noong panahon na siya ay pinuno ng mga nananampalataya.
Isang araw na si Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى) ay umupa ng isang kabayo para pumunta sa kanyang nais puntahan o isaga ang kanyang nais gawin, habang siya ay nasa daan ay ang kanyang damit na nakapatong sa kanyang bandang itaas ay nahulog sa lupa dahil sa siya ay abalang-abala sa pagbabasa ng banal na Qur’ân habang nakasakay sa kabayo kaya hindi niya namalayan ang pagkahulog ng kanyang damit. Mayroong nakapansin na isang lalaki na nangangalaga ng mga tupa sa pagkahulog ng kanyang damit at ito ay nasa malayo na, kaya pinuntahan ng lalaking ito si Omar bin Al-Khattaab na pinuno ng mga nananampalataya at sinabi niya sa kanya: O pinuno ng mga nananampalataya! Ang iyong damit ay nahulog nandoon na po sa malayo. Bumaba si Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى) mula sa kabayo at sinabihan niya ang lalaking ito na kung maaari ay bantayan niya ang kabayo o tumayo lang sa tabi ng kabayo, pinuntahan ni Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى) ang kanyang damit na nasa malayo na at siya ay naglakad lamang dahil iniwan niya ang kabayo kung saan ang lalaki nakatayo, kinuha niya ang kanyang damit at bumalik na agad. Nang makarating na doon sa lalaki kung saan nandoon ang kabayo ay tinanong siya ng lalaki ng dalawang katanungan:
Unang tanong ng lalaki: O pinuno ng mga nananampalataya! Bakit po kayo naglakad at hindi kayo sumakay sa kabayong ito noong binalikan mo ang iyong damit na nahulog? Sinabi sa kanya ni Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى): Dahil ang kabayo na ito ay inupahan ko lamang na wala kaming kasunduan sa may-ari sa panahon ng aming pagkasundo na kung sakaling mahulog ang aking damit ay sasakyan ko ang kabayo para balikan o kunin ito, kaya nangangamba ako na makagawa ako ng pandaraya sa pamamagitan ng pagsakay ko ng kabayo na ito.
Pangalawang tanong ng lalaki: Bakit po hindi mo ako pinag-utusan para ako na ang kukuha sa iyong damit at ikaw ay mananatili ka lang diyan sa kabayo na nakasakay? Sinabi sa kanya ni Omar bin Al-Khattaab kalugdan siya ng Allǎh (سبحانه وتعالى): Mayroon ba akong karapatan na pag-utasan ka ng anumang bagay na para lang sa akin! (Mula sa aklat na Daleelus Saaileen, Pahina 61-62)
Mga kapatid, ano po ang nakuha nating mga aral sa kasaysayan na ito? Kung papansinin po natin mabuti ay marami po tayong mapupulot na mga aral at kabilang sa mga aral na mapupulot natin dito ay:
- Ang pagsasamantala sa mga oras. Ito ay upang isagawa ang mga gawaing pagsamba sa Allǎh (سبحانه وتعالى), tulad ng pagbasa ng banal na Qur’ân, paggunita sa Allǎh (سبحانه وتعالى) at iba pa.
- Ang pagtupad sa kasunduan. Ito ay isa sa kaugalian ng taong Muslim na may katapatan sa sarili higit sa lahat ay may katapatan sa pananampalataya, sapagkat ang taong hindi tutupad sa kasunduan ay isang katangian ito na siya ay mapagkunwari (Munaafiq).
- Ang pagpapakumbaba. Ito ay isa sa katangian ng taong alipin ng Allǎh (سبحانه وتعالى), kapag siya ay naglalakad sa kaluaan ay nagpapakumbaba at kapag nangusap sa kanya ang taong mangmang, ang sasabihin niya ay kapayapaan.
Bilang pabaon po natin sa ngayon ay ang isang talata na sabi ng Allǎh (سبحانه وتعالى) sa banal na Qur’ân:
وَأَوْفُواْ بِالْعَهْدِ إِنَّ الْعَهْدَ كَانَ مَسْؤُولاً
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At inyong tuparin ang kasunduan, katotohanang kayo ay tatanungin hinggil sa kasunduan.” (17:34)