Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Narito ang tatlong uri o kategorya ng Tawheed:
1. Tawheed Ruboobiyyah: Kaisahan ng Allah (SWT) sa Kanyang Pamamahala – ang ibig sabihin nito ay nararapat na paniwalaan na ang Allah (SWT) ang Tagapaglikha at Tagapanustos ng lahat ng Kanyang mga nilikha. Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
أَمْ خُلِقُوا مِنْ غَيْرِ شَيْءٍ أَمْ هُمُ الْخَالِقُونَ. سورة الطور
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Sila ba ay nilikha na walang pinanggalingan o sila ang lumikha sa kanilang mga sarili?” (At-Tūr 52:35)
اللهُ خَالِقُ كُلِّ شَيْءٍ وَهُوَ عَلَى كُلِّ شَيْءٍ وَكِيلٌ. سورة الزمر
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Ang Allah ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay, at Siya ang Wakeel (Tagapangalaga at Tagapagtupad) ng mga pangyayari sa lahat ng bagay.” (Az-Zumar 39:62)
2. Tawheed Uloohiyyah: Kaisahan ng Allah (SWT) sa Kanyang pagka-Diyos – ang ibig sabihin nito ay nararapat na paniwalaan na ang Allah (SWT) ang nag-iisang tunay na Diyos at Siya lamang ang may karapatang pag-ukulan ng lahat ng uri ng pagsamba. Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَلَقَدْ أَرْسَلْنَا نُوحًا إِلَى قَوْمِهِ إِنِّي لَكُمْ نَذِيرٌ مُبِينٌ. أَنْ لا تَعْبُدُوا إِلا اللهَ إِنِّي أَخَافُ عَلَيْكُمْ عَذَابَ يَوْمٍ أَلِيمٍ. سورة هود
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanang Aming sinugo si Noah sa kanyang pamayanan (at siya’y nagsabi): ako ay dumating sa inyo bilang isang lantad na tagapagbabala. Na huwag sumamba maliban kay Allah; katotohanang pinangangambahan ko para sa inyo ang kasakit-sakit na kaparusahan sa araw ng paghuhukom.” (Hūd 11:25-26)
إِنَّ اللهَ رَبِّي وَرَبُّكُمْ فَاعْبُدُوهُ هَذَا صِرَاطٌ مُسْتَقِيمٌ. سورة آل عمران
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Si Hesus ay nagsabi: Katotohanang ang Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t Siya lamang ang inyong sambahin, ito ang matuwid na landas.” (Al-Emrān 3:51)
3. Tawheed Asmā wa Sifāt: Kaisahan ng Allah (SWT) sa Kanyang mga Pangalan at Katangian – ang ibig sabihin nito ay nararapat na paniwalaan ang lahat ng mga Pangalan at mga Katangian ng Allah (SWT) na kung saan ay nabanggit sa banal na Qur’ân o kaya’y sa hadeeth ng Propeta. Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَللهِ الْأَسْمَاءُ الْحُسْنَى فَادْعُوهُ بِهَا. سورة الأعراف
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At ang Allah ang nag-aangkin ng pinakamagandang pangalan, kaya’t Siya ay inyong tawagin sa pangalang yaon.” (Al-A’rāf 7:180)