Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Dapat nating malaman na magkaiba ang salitang Islām at Muslim!!! Sapagkat ang Islām ay galing sa salitang ugat na salām na ang literal na kahulugan nito ay kapayapaan. Ito ay ang pagtalima, pagsunod, pagsuko at pagpapasakop sa nag-iisang tunay na Diyos (Allah). Samantalang ang Muslim ay ang taong tumatalima, sumusunod, sumusuko at nagpapasakop sa nag-iisang tunay na Diyos (Allah). Narito ang tatlong antas sa relihiyong Islām:
Unang Antas: Muslim – Ang mabuting Muslim ay ang taong ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang tagasunod ng Allah (SWT), at hindi nakikialam sa kanyang kapwa.
Ayon kay Abū Hurayrah (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Kabilang sa kabutihan ng pagiging Muslim ng isang tao ay iwan (o layuan) niya ang mga bagay na hindi makakabuti sa kanya.” Iniulat ang Hadeeth na ito ni At-Tirmidzi at iba pa.
Pangalawang Antas: Mu’min – ang Mu’min ay ang taong nananampalataya sa Allah (SWT), at minamahal niya ang kanyang kapwa katulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili.
Ayon sa isang naisalaysay na Hadeeth, sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Ang kahalintulad ng mga taong nananampalataya (mga Mu’min) sa pamamagitan ng kanilang pagmamahalan, at sa kanilang habag, at sa kanilang simpatiya (pakikiramay) ay kahalintulad ng isang katawan na kapag nagreklamo ang isang parte nito (kapag nasugatan o nakaramdam ng sakit ang parte ng katawan) ay hihina ang buong katawan dahil sa kawalang-tulog (balisa) at lagnat.” Iniulat ang Hadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim. Lahat ng Mu’min ay Muslim, subalit hindi lahat ng Muslim ay Mu’min.
Pangatlong Antas: Muhsin – Ang Muhsin ay ang taong masunurin o kaya ay mabuti, at sa kanyang pagsamba ay natitiyak niya sa kanyang sarili na siya ay nakikita ng Allah (SWT).
Noong tanungin ni Jibreel (Anghel Gabriel) si Propeta Muhammad (SAW) kung ano ang Ihsan, ay ganito ang sinabi niya: “Ang sambahin mo ang Allah na para mo Siyang nakikita at kahit na hindi mo man Siya nakikita ay katiyakang nakikita ka Niya.”
Ang Ihsan ay ang pagiging masunurin o kaya ay pagiging mabuti sa mga gawaing pagsamba.