Ang lahat ng papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang tanging Panginoon ng lahat ng nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay matamo ni Propeta Muhammad (SAW).
Maituturing na isa sa mga kahanga-hangang katangian ng taong nananampalata ay ang pagiging simple. Komportable sa pagiging simple subalit simpleng presentable. Ang pagiging simple sa lahat anumang bagay ay kaaya-aya sa batas ng Islam at sa mata ng mga taong nananampalataya tulad ng pananamit at panlabas na kaanyuan.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang mga kababaihan lalong-lalo na sa isang maybahay. Panatilihin po ang pagiging simple sa labas ng bahay upang makaiwas laban sa mga matang mapupusok nang sa gayon ay mapigilan ang imoralidad. Sapat na po ang tamang pananamit na ipinag-utos ng Allah (SWT) tulad ng pagsusuot ng wastong Hijab at ang natural na kagandahan na ipinagkaloob ng Allah (SWT) sa bawat isa, ang mahalaga ang tunay na kagandahan ay nakikita ito ng kanyang kabiyak (asawa) sa loob at labas na kaanyuan.
Ang pagiging simple sa buhay ay nakakapagpahangad ng simpleng pamumuhay kung saan nakakapagdulot ito ng katiwasayan at pagkakuntento sa sarili. Ang taong namumuhay ng simple ay nagiging sapat ang biyayang ipinagkaloob ng Allah (SWT) sa kanya, sapat na natututugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw na kabuhayan sapagkat minsan ang pagmimithi ng kalabisan ay nakakadulot ng kapahamakan.
Kabilang sa pagiging simple ay palatandaan ng pagpapakumbaba anumang estado meron siya kagaya ng batayan ng katayuan sa buhay. Napapaloob man sa propesyon, politika o kayamanan ang pinag-uusapan. Hindi maiiwasang maihalintulad ang pagkasalungat ng bawat panig ngunit isang katotohanan na napagmamasdan na karamihan sa ngayon ay nakikipagkarera, kumpentensya at sabayan sa uso maging propesyonal man o hindi, politika o hindi, mahirap o mayaman ay nakikipaglamangan at iyon ang lubos na nakakalungkot isipin, subalit mayroon din sa mga ito ang kumikilos at nagpapakita ng kababaang-loob sa pamamagitan ng pagiging simple sa kanyang gawain, kaanyuan at iyon ang kahanga-hangang ipinapamalas na katangian na kalugod-lugod para sa Allah (SWT).
Gayunpaman, itinuturo ng batas ng Islam ang pagiging simple anumang estado sa buhay dahil kapuri-puring maituturing ang sinuman sa kanila ang nananatiling nakaapak ang mga paa sa lupa anuman ang natamo sa buhay.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At huwag kang lumakad sa kalupaan ng may pagmamagaling at kapalaluan.” (17:37).
Ang pagkakaroon ng simpleng buhay ay isa sa mga hangarin ng nananampalataya sa Allah (SWT). Maibibigay nito ang sapat na oras sa pamilya, magaan sa pakiramdan, kaunting suliranin, kapayapaan ng puso’t isipan at higit sa lahat maraming oras na makakalaan para sa pagsamba at pagpupugay sa Allah (SWT).
Mula sa panulat ni Aisha Ismael.