Sa katunayan, si Hesus (sumakanya ang kapayapaan) ay nagpatotoo sa naunang Kasulatan at nagbigay ng magandang balita sa mga tao na kung saan mayroong darating na isang Sugo pagkaraan niya. Sabi ng Allǎh sa banal na Qur’ân:
وَإِذْ قَالَ عِيسَى ابْنُ مَرْيَمَ يَا بَنِي إِسْرَائِيلَ إِنِّي رَسُولُ اللَّهِ إِلَيْكُمْ مُصَدِّقًا لِمَا بَيْنَ يَدَيَّ مِنَ التَّوْرَاةِ وَمُبَشِّرًا بِرَسُولٍ يَأْتِي مِنْ بَعْدِي اسْمُهُ أَحْمَدُ فَلَمَّا جَاءَهُمْ بِالْبَيِّنَاتِ قَالُوا هَذَا سِحْرٌ مُبِينٌ. سورة الصف
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At alalahanin, nang si Hesus na anak ni Maria ay nagsabi: O mga angkan ng Israel! ako ay isang Sugo ng Allǎh na ipinadala sa inyo, na nagpapatotoo sa Tawrah na dumatal nang una pa sa akin, at nagbibigay sa inyo ng magandang balita ng isang Sugo na darating pagkaraan ko, ang kanyang pangalan ay Aḥmad; datapuwa’t nang siya (Aḥmad) ay dumating sa kanila na may mga maliwanag na katibayan (o tanda), sila ay nagsabi: ito ay isang maliwanag na salamangka.” (Sūrah Aṣ-Ṣaff 61:6)
Sa isang naisalaysay na Ḥadeeth, sinabi ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan): “Katotohanang mayroon akong mga pangalan: ako si Muḥammad at ako rin si Aḥmad, at ako si Al-Māḥi na kung saan sa pamamagitan nito ay inaalis ng Allǎh ang kufr (kawalan ng pananampalataya), at ako si Al-Ḥāshir na kung saan bubuhayin muli ang mga tao sa aking bakas (siya ang unang bubuhayin muli bago ang ibang mga tao), at ako si Al-Ȁqib (wala ng Propeta pagkaraan niya).” Ang Ḥadeeth na ito ay isang pagkakasalin ng kahulugan lamang mula sa tekstong arabik na makikita sa Tafseer Ibnu Katheer.
At sa isa pang Ḥadeeth, ayon kay Abū Mūsa (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: pinangalanan sa amin ni Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan) ang kanyang sarili ng mga pangalan, kabilang sa aming natatandaan na kanyang sinabi: “Ako si Muḥammad at ako rin si Aḥmad, at (ako si) Al-Ḥāshir…” Ang Ḥadeeth na ito ay isang pagkakasalin ng kahulugan lamang mula sa tekstong arabik na makikita sa Tafseer Ibnu Katheer.
Kaya, walang pag-aalinlangan na ang taong tinutukoy ni Hesus (sumakanya ang kapayapaan) na darating sa pangalang Aḥmad ay si Propeta Muḥammad (sumakanya ang pagpapala ng Allǎh at kapayapaan). Siya ang inutusan ng Allǎh upang ituwid ang mga pagbabagong ginawa ng mga tao sa orihinal na katuruan ni Hesus (sumakanya ang kapayapaan) at ng iba pang mga Sugo.