Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Namumuhay tayo dito sa Mundo na taon-taon ay nagbabago, papaalis na ang taong ito at paparating na naman ang bagong taon, ang araw ay sumisikat at lumulubog parang kailan lang ay bagong taon na naman subalit hindi nabibigyan ng pansin ang kahalagahan ng oras, araw, buwan at taon.
Maraming mga bagay na gusto nating gawin pero iilan lang ang nagawa natin dahil ang karamihan ay nakalimutan o hindi na nabigyan ng pansin hanggang sa natapos na ang taon ay hindi na nagawa, at kapag pumasok naman ang bagong taon ay sasabihin na gagawin ko na at ipagpapatuloy ko na ang mga hindi ko nagawa noong nakaraang taon pero bakit hindi pa rin natin ito nagagawa? Bagama’t ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang kasagutan mula sa kanyang sarili kung ano ang dahilan kung bakit hindi niya ito nagagawa? Maaaring dahil sa kulang sa pagpapahalaga, katapatan, strategy o iba pa.
Mga kapatid, anuman ang dahilan natin ay lagi nating alalahanin na ang paglipas ng mga araw, buwan at taon ay isang paalala sa mga mananampalataya, at ang pamumuhay dito sa Mundo ay hindi magtatagal sapagka’t ito ay may hangganan. Ilan sa mga naglalabay ay nasawi, at ilan sa mga nanatili ay nawala. Ang Mundo ay may panig na nakakabuti at may panig na nakakasama, may naidudulot na kasiyahan at may naidudulot na kalungkutan kaya kapag sinakyan ito ay mapanganib, kapag pinagkatiwalaan ito ay kapahamakan, kapag pinangarap ito ay kawalan ng saysay at bukod sa pansamalang pamumuhay dito ay kapanglawan kaya ang tao ay malalagay sa panganib.
Ang mga araw dito sa Mundo ay nabibilang at nakatakda ang panahon kung kailan darating ang ating takdang oras, huwag sana tayo malinlang ng pansamantalang kasiyahan na hindi naman natin mapapakinabangan sa kabilang buhay. Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an:
إِنَّمَا هَذِهِ الْحَيَاةُ الدُّنْيَا مَتَاعٌ وَإِنَّ الْآخِرَةَ هِيَ دَارُ الْقَرَارِ
Ayon sa kahuugan ng talatang ito: “Ang pangkasalukuyang pamumuhay dito sa Mundo ay isa lamang pansamantalatang kasiyahan, at ang kabilang buhay ang siyang tahanan na magtatagal.” (Surah Ghaafir40:39)