Walang Kasin-tulad Na Pakikitungo

11-11-2014

Bismillǎh, Alḥamdulillǎh, Waṣṣalaatu Wassalaamu ‘Alaa Rasoolillǎh…

Isang kasaysayan na walang kasin-tulad na pag-uugali at pakikitungo sa kapwa, walang pinipili at walang kinikilingan at dahil dito ay nagmuslim ang isang Hudyo.

Narito ang kasaysayan, mayroong isang Hudyo na halos araw-araw na ang kanyang ginagawa ay nilalagyan niya ng mga basura o mga dumi ang pintuan o daanan ng Propeta, lumalabas ang Propeta at ang kanyang ginagawa ay inaalis lamang niya ang mga basura o mga dumi na nilalagay ng Hudyo na ito.

At dumating ang araw na napansin ng Propeta na malinis ang kanyang pintuan o ang kanyang daanan at umabot ito ng tatlong araw na wala ng mga basura o mga dumi sapagkat hindi na pumupunta ang Hudyo. Ano ang ginawa ng Propeta? Alam ninyo mga kapatid, binisita ng Propeta ang Hudyo at pinuntahan niya sa bahay nito at ng makarating ang Propeta ay nagtaka ang Hudyo kung bakit siya binisita ng Propeta kaya tinanong niya ang Propeta: Bakit ka ba bumisita dito, O Muḥammad? Sinabi sa kanya ng Propeta: “Hindi ka na kasi naglalagay ng katulad ng nilalagay mo noon kaya naisip ko na baka ikaw ay nagkasakit kaya dumating ako sa iyo upang bisitahin ka.” Sinabi ng Hudyo: Ang relihiyon mo ba ang nag-utos sa iyo nito, O Muḥammad? Sinabi sa kanya ng Propeta: “Subalit mas higit pa dito.” Kaya sa pamamagitan nito ay nagmuslim ang Hudyo, binanggit niya ang Shahaadatayn o ang pagsasaksi na walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allǎh at si Muḥammad ay Sugo ng Allǎh.

Mga kapatid, si Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) kabilang sa kanyang katangian ay lagi niyang ginugunita at naghihingi ng tulong sa Allǎh (سبحانه وتعالى) na gawing mabuti ang kanyang pag-uugali samantalang siya na ang may mataas na pag-uugali. Sanabi ng Allǎh (سبحانه وتعالى) sa banal na Qur’an:

وَإِنَّكَ لَعَلَى خُلُقٍ عَظِيمٍ. سورة القلم

Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At katotohanang ikaw (O Muammad) ang nag-aangkin ng mataas (kapuri-puri)na pag-uugali.” (68:4).

Sa totoo lang mga kapatid, si Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) ang nangungunang bumati ng kapayapaan sa kanyang nakakasalubong at nakikihalobilo siya sa mga mahihirap bagkus minamahal niya ang mga mahihirap walang pinipili. Pagdating naman sa pagkain kailan man ay hindi niya pinipintasan ang pagkain, kung gusto niya ay kakainin niya at kung hindi ay iiwan niya o hindi niya kakainin at hindi na siya magsasalita na may pamimintas sa pagkain.

Nawa’y sikapin natinng maging huwaran natin ang Propeta sa pag-uugali at mabuting pakikitungo sa kapwa na walang pinipili.

Related Post