Ang pagsasagawa ng Omrah ay isa rin sa mga tungkulin ng mga Muslim lalaki man o babae. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
وَأَتِمُّوا الْحَجَّ وَالْعُمْرَةَ لِلَّهِ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At inyong isagawa (nang ganap) ang Ḥajj at ang Omrah para sa Allǎh.” (Al-Baqarah 2:196)
Narito ang mga haligi at mga obligado na nararapat gawin ng sinumang magsasagawa ng Omrah:
- Iḥrām: ibig sabihin nito ay magsuot ng Izār (balabal na puti) at Ridā (tapis na puti) ang mga lalaki, at ang mga babae naman ay maaaring sumuot ng kahit anong damit ngunit kailangang maging masigasig lang na takpan ang sarili. Isinasagawa ang Iḥrām pagkatapos maligo sa Meeqāt at ito ang bibigkasin kapag naisuot na ang Iḥrām “Labbayka Omrah” na may kasamang niyyah (layunin).
- Ṭawāf: ibig sabihin nito ay mag-ikot ng pitong beses sa Ka’bah lalaki man o babae, magsisimula sa Ḥajar Aswad (black stone) at doon din magtatapos. Manalangin habang nagsasagawa ng Ṭawāf o kaya’y magbasa ng mga talata ng banal na Qur’ân.
- Sa’yi: ibig sabihin nito ay mag-ikot ng pitong beses sa Safā at Marwah, mag-uumpisa sa Safā at matatapos naman sa Marwah lalaki man o babae. Manalangin habang nagsasagawa ng Sa’yi o kaya’y magbasa ng mga talata ng banal na Qur’ân.
- Ḥalq / Taqṣeer: ibig sabihin nito ay magpakalbo o kaya’y magpagupit ng buhok ang mga lalaki, at ang mga babae naman ay hindi na kailangang magpakalbo subalit babawasan lamang nila ng kunti ang kanilang buhok.