Bismillah… Ang pagpupuri ay para sa Allah (SWT) lamang ang siyang nagtaas sa karangalan ng silang nagpapakumbaba sa gitna ng sangkatauhan. Ang pagpapala at kapayapaan ay mapasahuling Propeta at sa kanyang pamilya at mga kasamahan. Ang pag-uusapan natin ngayon ay tungkol sa salitang pagpapakumbaba.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At maging mabuti at mababang kalooban sa mga mananampalataya na sumusunod sa iyo.” (26:215). “Ang tahanang yaon sa kabilang buhay ay Aming itatalaga sa mga tao na hindi nag-aaklas laban sa katotohanan ng may pagkamayabang sa kalupaan at pang-aapi ni hindi gumagawa ng kasiraan sa paggawa ng mga krimen; At ang mabuting wakas ay para sa mga muttaqin (mga matutuwid at mananampalataya).” (28:83). “At huwag ibaling ang iyong mukha palayo sa mga tao na may kayabangan ni huwag maglakad ng walang pakundangan sa kalupaan; Katotohanan hindi minamahal ng Allah ang mga mayayabang at mapagmataas.” (31:18).
Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Katotohanan ang Allah ay nagpahayag sa akin: “na magpakumbaba kayo hanggang sa walang ni isa sa inyo ang magmalaki sa kapwa, at walang ni isa sa inyo ang mang-api sa iba.” (Inulat ni Muslim). Sinabi pa ng Propeta: “Walang sinumang magpakumbaba maliban na lamang sa siya ay itaas ng Allah sa karangalan.” (Inulat ni Muslim).
Ang pagpapakumbaba ay isa sa mga katangian ng mga mananampalataya, ang silang walang nakikitang kahalagahan sa sarili na nakakahigit sa iba. Mananampalatayang hindi nagmamalaki at lubos na tumatalima at sumusunod sa mga ipinag-uutos ng Allah (SWT) lalong-lalo na tungkol sa pagsamba sa Kanya.
Ang pagpapakumbaba ay hindi nakakabawas sa antas ng isang tao sa lipunan bagkus ito ay magbibigay pa sa kanya ng karagdagang karangalan at pagmamahal mula sa iba. Ang taong nagpapakumbaba ay katotohanang nagsasabuhay sa isa sa mga mabubuting mga katangian ni Propeta Muhammad (SAW).
Ang pagpapakumbaba ay nagbibigay lunas sa pagkabalisa at walang kapanatagan sa sarili. Ito ay nagtatanggal ng kasakiman at pagmamalaki. Ang katangiang ito ay napakaganda at napakalaki ang kabutihang dulot sa sinumang nagtataglay nito.
Ang pagpapakumbaba ay isang napakagandang katangian at pag-uugali na kamahal-mahal sa paningin ng Allah (SWT) at ng Kanyang Sugo. Sinuman ang nagpapakumbaba (para lamang sa Allah (SWT) ay itataas ng Allah (SWT) ang kanyang antas. Ang may pinakamataas na antas ay siyang hindi ituturing ang sarili na mas mataas sa iba, at ang pinakamarangal ay siyang hindi nagmamaliit sa iba.
Ang pagpapakumbaba ay katangiang kapuri-puri ngunit ang pagmamalaki ay katangian ng silang masasama.
Mula sa panulat ni Bro. Anwar Edwin Habon.