Kung ang isang nag-aayuno ay nakakain o nakainom nang hindi sinasadya ay hindi nasira ang kanyang pag-aayuno, ang nararapat na gawin sa oras na maalaala ay tumigil sa pagkain o pag-inom at ipagpatuloy ang pag-aayuno, sapagkat ang sinumang kumain o uminom dahil sa kanyang pagkalimot, iyon ay isang biyaya sa kanya ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ). Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang nakalimot habang siya’y nag-aayuno at siya’y kumain o uminom ay ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aayuno sapagkat siya’y pinakain at pinainom ng Allǎh.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 20/635, Ikalawang Bahagi, Pahina 171.
Gayon din ang isang nag-aayuno ay nasuka nang hindi sinasadya ay hindi rin nasira ang kanyang pag-aayuno, subalit kung ang pagsuka ay sinasadya ay nakakasira sa pag-aayuno. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang masuka nang hindi sinasadya ay hindi na magkakaroon ng Qadâ (hindi na niya papalitan), at sinumang masuka nang sinasadya ay magkakaroon ng Qadâ (papalitan niya ang araw na yaon).” Tingnan ang Subulus Salâm, Sharⱨ Buloogh Al-Marâm, Ⱨadeeth 21/636, Ikalawang Bahagi, Pahina 171.
Ang sadyang pagsuka ay katulad ng pagtusok ng daliri sa lalamunan o kaya’y pagpunta sa marumi at mabahong lugar na sanhi ng iyong pagkasuka samantalang alam mo na ikaw ay masusuka.