Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Araw-araw at gabi-gabi ay nakakagawa tayo ng kamalian at minsan ay hindi natin ito napapansin o namamalayan dahil ang akala natin ay wala lang iyon, mga salita, kilos at gawa laban sa ating mga sarili, at kung minsan ay nakakadulot tayo ng hindi maganda sa ating kapwa na ang inaakala natin ay hindi siya nasasaktan sapagkat iyon ay biru-biruan lang, ngunit sa kabila pala nito ay nasasaktan na natin ang kanyang damdamin, at ito ay isang kasalanan.
Sadyang napakaganda ang ating relihiyong Islaam sapagkat binigyan tayo ng mga simpleng dahilan upang mawalan ng saysay ang ating mga nagawang kasalanan at ito ay sa pamamagitan ng pag-aayuno lamang ng isang araw na tinatawag na yaw ‘arafah. Ang pag-aayuno sa araw ng ‘arafah ay binubura nito ang dalawang taon na kasalanan, ang una at huling taon.
Ayon kay Abu Qataadah kalugdan siya ng Allah kanyang sinabi: Ang Sugo ng Allah (SAW) ay tinanong ukol sa pag-aayuno sa araw ng ‘arafah? Sinabi niya: “Binubura nito ang isang taon na naunang kasalanan at ang susunod pa na taon.” Iniulat ang hadeeth na ito ni Muslim (1162).
Ang araw ng ‘arafah ay ang ikasiyam na araw ng buwan ng Dhul Hijjah. Ang Dzul Hijjah naman ay ang huling buwan ng Hijri o Kalendaryong Islamiko, at ito ay natatapat sa ngayong darating na Huwebes, 31 ng Agosto, taong 2017, kaya sikapin nating makapag-ayuno sa araw na ito.