Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang Shawwaal ay ang buwan na kasunod ng buwan ng Ramadaan. Sikapin nating makapag-ayuno pa ng anim na araw sa buwan na ito upang magkaroon tayo ng maraming gantimpala mula sa Allah (SWT) sapagkat ang pag-aayuno ng karagdagang anim na araw pagkatapos ng Ramadaan ay katumbas ng isang buong taon na pag-aayuno. Ayon kay Abu Ayyub (kalugdan siya ng Allah), katotohanang ang Sugo ng Allah (SWT) ay nagsabi: “Sinumang mag-ayuno sa (buwan ng) Ramadaan at sundan niya ito ng anim na araw sa Shawwaal ay katulad ng siya’y nakapag-ayuno ng isang taon.”Iniulat ang Hadeeth na ito ni Muslim. Tingnan ang Sharh Riyaadus Saaliheen, Hadeeth 1/1254, Ikatlong Bahagi, Pahinan 395. Tingnan din ang Subulus Salaam, Sharh Buloogh Al-Maraam, Hadeeth 2/644, Ikalawang Bahagi, Pahina 177.
Sa mga kapatid na nais mag-ayuno ng anim na araw sa buwan ng Shawwaal, ayon sa mga Pantas ay mas mainam na kung sakaling mayroong mga araw na hindi natin napag-ayunuhan sa buwan ng Ramadaan ay pag-ayunuhan muna natin ito bago mag-ayuno ng anim na araw para maging kompleto ang mga bilang ng ating pag-aayuno sa buwan ng Ramadaan, subalit wala ring masama kung mag-ayuno muna ng anim na araw sa buwan ng Shawwaal at saka lang pag-ayunuhan ang mga araw na hindi napag-ayunuhan.
Ang pag-aayuno ng karagdagang anim na araw ay hindi na kailangan na magkasunud-sunod ang bilang ng mga araw, ang importante ay maisagawa ito sa mga araw ng Shawwaal.