Ang mabuting maybahay ay kailangan maging presentable sa harap ng kanyang asawa, maging maganda siya sa paningin ng kanyang asawa.
Bilang mabuting maybahay ay kinakailangan pakitunguhan ng mabuting pakikitungo ang kanyang asawa, sundin ang anumang iutos nito dahil ang mga lalaki ang hari ng tahanan at karapatan nilang ibigay natin sa kanila ang ating paggalang at pagsunod sa anumang kanilang iutos. Kapag sila’y may iniuutos ay dapat itong gawin at sundin na may kasamang ngiti. Huwag kalilimutan na ang asawa ang mas nakakaalam. Karapatan din nilang pagsilbihan sila, ipagluluto, ipaglalaba, aasikasuhin ang kanilang mga gamit, maging malinis sa loob at labas ng tahanan at higit sa lahat ay ang mabuting pangangalaga sa kanilang mga anak tulad ng pag-aaikaso at pagtuturo sa kanila ng mga magagandang asal sa Islam.
Bilang mabuting maybahay ay huwag lumabas ng bahay na walang pahintulot sa asawa o hindi nagpapaalam. Huwag na huwag ding magpapapasok ng kahit na sino sa inyong tahanan ng hindi niya alam o hindi niya kapahintulutan. Huwag ding gastusin ang kanyang kayamanan o kanyang ari-arian maliban na lamang kung ito ay kanyang ipinahintulot, kabilang dito ang inyong mga anak ay huwag ilayo sa kanya. Ang mabuting maybahay ay mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang asawa, tulad ng pag-aalaga niya ng mabuti sa kanyang sarili kabilang dito ang pagsusuot niya ng mahahabang damit, pagsuot ng belo, ang hindi pakikihalubilo sa mga kalalakihan na hindi naman nito kamag-anak. Isa pang dapat na pangalagaan ng isang mabuting maybahay ay ang kayamanan ng kanyang asawa na dapat niya itong pag-ingatan at huwag gastusin ng hindi niya nalalaman o wala siyang kapahintulutan. Sinabi ng Allah (SWT): “Samakatuwid, ang mga mabubuting babae ay ang mga babaeng sumusunod sa kanilang mga asawa, at nangangalaga sa kanilang mga sarili at sa kayamanan ng kanilang asawa sa panahong wala ang kanilang asawa na ipinag-utos ng Allah na dapat nilang pangalagaan.”(4:34)
Bilang mabuting maybahay ay dapat humingi ng tawad kapag nagkamali o nagtatalo, kailangan mong humingi ng tawad sa iyong asawa, at kapag ang iyong asawa ay nagagalit ay huwag kang sumagot o huwag mo siyang sagutin o sabayan ang kanyang galit. Hayaan mo siyang magsalita at hintaying huminahon at saka mo siya kausapin ng mahinahon na may kasamang paglalambing. Normal na sa kanila ang minsan ay magalit o mainitin ang ulo dahil sa sila ay napapagod sa kanilang trabaho o di kaya ay may mga problemang hindi pa naayos, kaya dapat na unawain sila sa panahong sila ay nagagalit.
Bilang mabuting maybahay ay kailangan na siya ang manguna na humingi ng tawad kapag sila ay nagtalo. Hindi rin maiwasan sa isang maybahay ang magselos subalit ito ay dapat na ilagay sa lugar at huwag pahiyain ang asawa. Huwag agad-agad magagalit kailangan ay kausapin ng maayos ang asawa tungkol sa bagay na pinag seselosan ng sa ganon ay maiwasan ang pagtatalo. Ang pagseselos ng wala sa lugar at laging nagseselos ay walang magandang maidudulot kundi ang pagtatalo at kawalan ng respeto sa asawa. Hindi rin makakabuti sa mabuting maybahay ang paghinalaan ang kanyang asawa dahil ito ay walang magandang maidudulot kundi pagtatalo. Linisin ang puso’t isipan para sa asawa at magtiwala sa kanya ng buong puso dahil sila ang nakakaalam kung ano ang makakabuti at hindi makakabuti sa pagsasama bilang mag-asawa at sa pamilya. Ang mabuting maybahay ay dapat ding makuntento sa mga bagay na kung ano ang meron sila. Huwag mainggit sa kung anuman ang makikita sa iba dahil hindi ito makakabuti sa iyo lalo na sa inyong pagsasama. Tanggapin at dapat o marunong makuntento sa anumang kayang ibigay ng kanilang asawa. Ito ay dapat bigyang halaga maliit man o malaki ay dapat na pahalagahan dahil ito ay kanilang pinag hihirapan. Huwag ng humangad ng ano pa man na wala sa iyo o sa loob ng iyong tahanan.
Bilang mabuting maybahay tiwala, respeto, pagmamahal at may takot sa Allah (SWT) ang kailangan at dapat gawin upang manatiling masaya at matatag ang pagsasama at buo ang pamilya.
Mula sa panulat ni Sohidra Lozada.