Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang Lā ilāha illa–Allah ay salitang arabik na ang kahulugan nito sa wikang tagalog ay walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah (SWT). Ito ang ritwal na pagpapatunay sa kaisahan ng Allah (SWT) at narito ang mga kundisyon nito:
1. Ang Kaalaman (العلم): Kailangang alam mo ang tamang kahulugan nito. Sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
فَاعْلَمْ أَنَّهُ لا إِلَهَ إِلا اللهُ وَاسْتَغْفِرْ لِذَنْبِكَ. سورة محمد
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Datapuwa’t iyong alamin na Lā ilāha illa-Allah (walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah) at ikaw ay humingi ng kapatawaran sa iyong pagkakamali.” (47:19)
Ayon sa isang naisalaysay na hadeeth, sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Sinumang mamatay at alam niya ang Lā ilāha illa–Allah (walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah) ay makakapasok sa Paraiso.” Iniulat ni Muslim.
2. Ang Katiyakan (اليقين): Kailangang tinitiyak mo ito sa iyong puso at walang pag-aalinlangan. Sinabin g Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
إِنَّمَا الْمُؤْمِنُونَ الَّذِينَ آمَنُوا بِاللهِ وَرَسُولِهِ ثُمَّ لَمْ يَرْتَابُوا. سورة الحجرات
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Ang mga sumasampalataya lamang ay yaong nanampalataya sa Allah at sa Kanyang Sugo, na hindi nag-aalinlangan.” (49:15)
3. Ang Pagtanggap (القبول): Kailangang tinatanggap ito ng iyong puso at bibig. Sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
إِنَّهُمْ كَانُوا إِذَا قِيلَ لَهُمْ لا إِلَهَ إِلا اللهُ يَسْتَكْبِرُونَ. وَيَقُولُونَ أَئِنَّا لَتَارِكُو آلِهَتِنَا لِشَاعِرٍ مَجْنُونٍ. سورة الصافات
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanang kapag sila (mga palasuway kay Allah) ay pinagsabihan noon ng: Lā ilāha illa–Allǎh (walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah), sila ay labis na palalo. At sila ay magsasabi: Ano? Tatalikdan ba namin ang aming sinasambang mga diyus-diyusan dahilan lamang sa isang makata na nasisiraan ng bait?.” (37:35-36)
4. Ang Pagpapasakop at Pagsuko (الانقياد والاستسلام): Kailangang isusuko mo ang iyong sarili. Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَأَنِيبُوا إِلَى رَبِّكُمْ وَأَسْلِمُوا لَهُ مِنْ قَبْلِ أَنْ يَأْتِيَكُمُ الْعَذَابُ ثُمَّ لا تُنْصَرُونَ. سورة الزمر
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At magsibaling kayo sa inyong Panginoon at isuko ninyo ang inyong sarili para sa Kanya, bago dumatal sa inyo ang pagpaparusa. Pagkatapos, kayo ay hindi na matutulungan.” (39:54)
5. Ang Pagkamakatotohanan (الصدق): Kailangang totoo ka sa iyong sinasabi at hindi ka nagsisinungaling. Ayon sa isang naisalaysay na hadeeth, sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Ang sinumang isang tao na magsaksi (o magpapatunay) ng Lā ilāha illa-Allah (walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah) at si Muhammad ay alipin at Sugo ng Allah, na toto sa kanyang puso ay walang iba kundi maliligtas siya sa Impiyerno.” Napagkasunduan ang hadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim.
6. Ang Pagkamatapat (الإخلاص): Kailangang tapat ka at walang halong pagtatambal o pakitang tao. Ayon sa isang naisalaysay na hadeeth, sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Sinumang magsabi ng Lā ilāha illa-Allah (walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah) na siya’y tapat ay makakapasok sa Paraiso.” Iniulat ni Ahmad.
7. Ang Pagmamahal (المحبة): Kailangang mamahalin mo ang Allah (SWT). Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَمِنَ النَّاسِ مَنْ يَتَّخِذُ مِنْ دُونِ اللهِ أَنْدَادًا يُحِبُّونَهُمْ كَحُبِّ اللهِ وَالَّذِينَ آمَنُوا أَشَدُّ حُبًّا لِلَّهِ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At mayroon sa mga tao na nagtuturing ng iba (sa pagsamba) bukod pa kay Allah bilang pagtambal sa Kanya, minamahal nila ito na katulad din ng pagmamahal nila kay Allah. datapuwa’t ang mga nananampalataya ay may nag-uumapaw na pagmamahal kay Allah.” (2:165)
Sanayin natin ang ating dila na laging binabanggit ang Lā ilāha illa-Allah sapagkat ito ay higit na mainam para sa atin.