1. Sa buwan ng Ramaḍân ay dito ipinahayag ang banal na Qur’ân bilang patnubay sa sangkatauhan. Sabi ng Allǎh:
شَهْرُ رَمَضَانَ الَّذِي أُنْزِلَ فِيهِ الْقُرْآنُ هُدًى لِلنَّاسِ وَبَيِّنَاتٍ مِنَ الْهُدَى وَالْفُرْقَانِ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito:
Ang buwan ng Ramaḍân ay dito ipinahayag ang Qur’ân, bilang patnubay sa sangkatauhan at malinaw na tanda (o katibayan) at pamantayan (sa pagitan ng tama at mali). Al-Baqarah 2:185
2. Sa buwan ng Ramaḍân ay binubuksan ang mga tarangkahan ng Paraiso at isinasara ang mga tarangkahan ng Impiyerno at ikinakadena ang mga Satanas. Ayon kay Abu Hurayrah (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad: “Kapag sumapit na ang Ramaḍân ay mabubuksan ang mga tarangkahan ng Paraiso, at maisasara ang mga tarangkahan ng Impiyerno, at maikakadena (o tatalian) ang mga Shayṭân (Satanas).” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Mukhtaṣar Al-Fiqh Al-Islâmiy, Pahina 625.
3. Sa buwan ng Ramaḍân ay nabubura ang mga kasalanan maliban sa mga malalaking kasalanan. Ayon kay Abu Hurayrah (kalugdan siya ng Allǎh) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad: “Ang pagdarasal ng limang beses (sa loob ng isang araw) at ang Jum’ãh sa Jum’ãh, at ang Ramaḍân sa Ramaḍân ay nabubura sa mga pagitan nila ang mga kasalanan kapag iniwasan ang mga mortal na kasalanan.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni Muslim. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 322.
4. Sa buwan ng Ramaḍân ay ang pagsasagawa ng Omrah ay katumbas ng Ⱨajj na kasama ang Propeta. Ayon sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, sinabi ni Propeta Muⱨammad: “Ang Omrah sa Ramaḍân ay katumbas ng Ⱨajj na kasama ako.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim Tingnan ang Minhâj Al-Muslim, Pahina 289.
5. Sa buwan ng Ramaḍân ay napakainam ang pamimigay ng kawang-gawa. Ayon sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, sinabi ni Propeta Muⱨammad: “Ang higit na mainam na kawang-gawang ay kawang-gawa sa Ramaḍân.” Iniulat ang Ⱨadeeth na ito ni At-Tirmidziy, at ito ay mahina. Tingnan ang Minhâj Al-Muslim, Pahina 288.