Ang mga babaeng nasa panahon ng regla o bagong panganak ay hindi puwedeng mag-ayuno bagkus ito’y ipinagbabawal sa mga babae kapag sila’y nasa ganitong kalagayan, subalit magkakaroon sila ng Qaḍâ sa mga araw na hindi nila napag-ayunuhan pagkatapos ng Ramaḍân at hindi na nila kailangang palitan ang mga dasal (Ṣalâh) na hindi nila naisagawa sanhi ng kanilang pagreregla. Ayon kay Ȁishah (Raḍi-Allǎhu Ànhâ) kanyang sinabi: “Kami ay niregla sa kapanahunan ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam), at pinag-utusan kami na magkaroon ng Qaḍâ sa pag-aayuno, at hindi kami pinag-utusan na magkaroon ng Qaḍâ sa pagdarasal.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 329.
Tungkol naman sa mga babaeng nagdadalang tao o nagpapasuso ng sanggol ay narito ang pananaw ng mga Pantas sa Islâm hinggil sa mga babaeng nagdadalang tao o nagpapasuso ng sanggol sa araw ng Ramaḍân:
- Ayon sa napagkasunduan ng mga Pantas: Ang mga babaeng nagdadalang tao o nagpapasuso ng sanggol, kung sila’y nangangamba na ang pag-aayuno ay makakasama sa kanilang mga sarili – o kaya’y makakasama sa kanilang mga sarili at sa kanilang sanggol – sila’y pinahintulutang hindi na mag-ayuno subalit magkakaroon sila ng Qaḍâ. Tingnan ang Fiqhul Mar-ah, Pahina 181. Tingnan din ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 327.
- Ayon kina Imâm Ash-Shâfi’e at Imâm Aⱨmad: Ang mga babaeng nagdadalang tao o nagpapasuso ng sanggol, kung sila’y nangangamba na ang pag-aayuno ay makakasama sa kanilang sanggol ay sila’y pinahintulutang hindi na mag-ayuno subalit magkakaroon sila ng Qaḍâ at Fidyah. Subalit ayon sa mga Pantas ng Al-Ⱨanafiyyah at sa iba pang mga Pantas: ay magkakaroon lamang sila ng Qaḍâ at hindi na magkakaroon ng Fidyah. Ang pagkakaiba ng mga Pantas ay nakakapagbigay ng malawak na kaalaman at ito’y itinuturing na awa. Tingnan ang Fiqhus Sunnah, Unang Bahagi, Pahina 327. Tingnan din ang Fiqhul Mar-ah, Pahina 182.
Kapag binanggit ang salitang Fidyah sa Ramaḍân ay ang ibig sabihin nito ay ang pagpapakain sa taong mahirap sa mga araw ng Ramaḍân bilang ganti o kabayaran ng hindi pag-aayuno na may sapat na kadahilanan tulad ng mga taong may karamdamang wala ng lunas o kaya’y mga matatanda.