Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang literal na kahulugan ng Tawheed sa wikang tagalog ay pananatiling nag-iisa o kaya’y gawing isa. Subalit ang terminong Tawheed ay ginagamit lamang ito patungkol sa Allah (SWT) ibig sabihin ay kaisahan ng Allah (SWT).
Ayon sa pananampalatayang Islām ang kahulugan nito ay ang pagpapanatili ng kaisahan ng Allah (SWT) sa lahat ng mga gawain ng tao. Ito ay ang paniniwala na ang Allah (SWT) ang nag-iisang tunay na Diyos na karapat-dapat sambahin, nag-iisa na walang katambal at walang katulad. Ito ang terminong ginamit upang tukuyin at sakupin ang aspeto ng paniniwala sa Allah (SWT). Sinabi ni Propeta Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) ayon sa nabanggit sa banal na Qur’ân:
إِنَّ اللهَ رَبِّي وَرَبُّكُمْ فَاعْبُدُوهُ هَذَا صِرَاطٌ مُسْتَقِيمٌ. سورة آل عمران
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanan, ang Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t sambahin ninyo Siya, ito ang matuwid na landas.” (Al-Emrān 3:51)
Ang talatang ito ay isang katibayan na si Propeta Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) ay kumikilala sa nag-iisang tunay na Diyos bagkus ipinag-uutos nito sa kanyang mga pamayanan na sambahin ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Allah (SWT), subalit nakakalungkot sabihin na karamihan sa kanyang pamayanan ay hindi naniwala sa kanya at hanggang ngayon ay marami pa rin sa mga tao na lihis sa pananampalataya.