Ang ibig sabihin ng Ṣiyām (o Ṣawm) sa wikang tagalog ay pag-aayuno, at ang tamang kahulugan nito ay ang pagtitiis sa pagkain, pag-inom at pakikipagtalik sa asawa, at pagtitiis sa lahat ng mga nakakasira rito mula sa pagbukang liwayway hanggang sa paglubog ng araw.
Ang Pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍān ay isang tungkulin ng bawat Muslim lalaki at babae na nasa wastong gulang at wastong pag-iisip, at kapag naging malinis ang isang babae mula sa pagdurugo sanhi ng buwanang dalaw o panganganak. Lahat ng Nasyon ng mga Muslim ay nagkakaisa na ang pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍân ay obligado at ito ay kabilang sa mga haligi ng Islām. Ito ay ipinag-utos ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) noong ikadalawang taon ng Hijrah o kaya’y pag-ibakwit ni Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) mula sa Makkah tungo sa Madeenah, kaya ang Propeta ay nakapag-ayuno ng siyam (9) na Ramaḍān. Ang pag-aayuno ay ipinag-utos din sa mga naunang tao. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
يأَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُواْ كُتِبَ عَلَيْكُمُ الصِّيَامُ كَمَا كُتِبَ عَلَى الَّذِينَ مِن قَبْلِكُمْ لَعَلَّكُمْ تَتَّقُونَ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “O kayong mga nananampalataya! Iniatas sa inyo ang pag-aayuno katulad ng pag-atas sa mga nangauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng ganap na pagkatakot sa Allǎh.” (Al-Baqarah 2:183)