Ang bawat papuri ay para sa Allâh (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW), ang pinakahuling Propeta at Sugo.
Mga kapatid, huwag po tayong magdiwang ng Christmas dahil ito ay isang gawaing lihis sa pananampalataya sapagkat hindi kasama sa mga ipinagdiriwang sa Islaam, at ang ipinagdiriwang sa Islaam ay tulad ng dalawang Eid: Eid Al-Fitr pagkatapos ng pag-aayuno, at Eid Al-Ad–haa pagkatapos ng pagsasagawa ng Hajj. Ayon kay Anas (kalugdan siya ng Allâh) kanyang sinabi: Dumating si Propeta Muhammad (SAW) sa Madeenah at ang mga tao ay mayroong dalawang araw na kanilang ipinagdiriwang, at sinabi niya: “Katiyakang pinalitan ng Allâh para sa inyo ng mas mainam pa kaysa sa dalawang araw na ito (na inyong ipinagdiriwang): (iyon ay) ang araw ng Fitr (Eid Al-Fitr) at ang araw ng Ad–haa (Eid Al- Ah–haa).”
Huwag po tayong magdiwang ng Christmas o kapanganakan ni Kristo dahil ito ay isang gawaing pagmamalabis ng hangganan sa pananampalataya sapagkat wala naman ito sa katuruan. Sinabi ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
يَا أَهْلَ الْكِتَابِ لَا تَغْلُوا فِي دِينِكُمْ وَلَا تَقُولُوا عَلَى اللهِ إِلَّا الْحَقَّ إِنَّمَا الْمَسِيحُ عِيسَى ابْنُ مَرْيَمَ رَسُولُ اللهِ. سورة النساء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “O mga angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa (hangganan ng) inyong relihiyon (pananampalataya), at huwag kayong magsabi tungkol sa Allâh maliban lamang sa katotohanan, si Kristo (Mesiyas) na anak ni Maria ay isang Sugo lamang…” (Surah An-Nisaa’ 4:171).
Huwag po tayong magdiwang ng Christmas dahil ito ay isang gawaing pagtuturing sa mga Kristiyano o mga hindi mga Muslim bilang tagapagtangkilik at ito ay nagpapatunay na sinusupurtahan sila o kaya’y pinapatotoo ang kanilang gawain o kaugalian. Sinabi ng Allâh (SWT) sa banal na Qur’ân:
يَا أَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُوا لَا تَتَّخِذُوا الْيَهُودَ وَالنَّصَارَى أَوْلِيَاءَ بَعْضُهُمْ أَوْلِيَاءُ بَعْضٍ وَمَنْ يَتَوَلَّهُمْ مِنْكُمْ فَإِنَّهُ مِنْهُمْ إِنَّ اللهَ لَا يَهْدِي الْقَوْمَ الظَّالِمِينَ. سورة المائدة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “O kayong mga nananampalataya! Huwag ninyong ituring ang mga Hudyo at mga Kristiyano bilang inyong tagapagtangkilik, sila ay mga tagapagtangkilik sa bawat isa sa kanila, at sinuman sa inyo ang magturing sa kanila (bilang tagapagtangkilik) ay katiyakang siya ay kabilang sa kanila, katotohanang ang Allâh ay hindi namamatnubay sa mga taong hindi makatarungan.” (Surah Al-Maaidah 5:51).
Bakit nga ba ipinagdiriwang ng mga tao ang Christmas o kapanganakan ni Kristo samantalang walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung kailan ang eksaktong petsa ng kapanganakan ni Kristo, kahit pa ang mga Kristiyano ay nagkakaiba sila kung kalian ipinanganak si Kristo? Ang iba sa kanilang lipon ay nagsasabi na siya ay ipinanganak sa December 25, at ang iba naman ay nagsasabi na sa January 6 o kaya’y January 7 daw ipinanganak si Kristo.
Kung susuriin natin mabuti sa Islaam ay walang malinaw na katibayan kung anong petsa ipinanganak si Kristo katulad din ng ibang mga Propeta at Sugo na hindi natin alam ang petsa ng kanilang kapanganakan.