Bismillah, wassalatu wassalamu ‘ala rasulillah, wa ‘ala alihi wasahbihi waba’d. Assalamu alaykom warahmatullahi wabarakatuh.
Sa ngalan ng Allah ang pinakamahabagin ang pinakamaawain, ang lahat ng pagpupuri ay sa Allah lamang, ang panginoon ng sanlibutan. Taus-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kapatid sa Islam na naghikayat sa akin upang ihanda ang lathalang ito, sumakanila nawa ang pagpapala ng Allah.
Ang pangunahing mensahe ng Islam. Una para sa ating mga sarili lalung-lalo na sa mga di-Muslim. Ipaabot sa kanila ang kahulugan o diwa ng Islam. Ang Islam ay hindi hinango sa pangalan ng tao, pook, tribo o ano mang bagay na nilikha ng Allah. Ang Islam ay isang katagang arabik hango sa salitang ugat na “salam” na nangangahuluganng kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay nasa puso, isip at kaluluwa na nagdudulot ng kapayapaan sa kapaligiran at lipunan. Ang kapayapaan ay hindi kailanman matatamo sa antas ng karunungan, kayamanan o katanyagan, bagkus ito ay matatamo lamang sa pamamagitan ng ganap at tapat na pagsunod, pagsuko at pagtalima sa nag-iisang tunay na Diyos.
Ating mababasa sa Banal na Quran:
((Katotohanan! Ako ang Allah, walang ibang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya’t sambahin Ako at mag-alay ng palagiang pagdarasal bilang pag-alaala sa Akin)) 20:14.
Ang Allah ang tanging tagapaglikha ng lahat ng bagay na ating nakikita at hindi nakikita. Sinuman ang matapat na naghahanap ng katotohanan at nagnanais na matamo ang kapayapaan ay tiyak na matagpuan lamang niya ito sa Islam, siya ay malayang yumakap sa Islam maging ano man ang kanyang lahi, kulay o katayuan sa buhay inaanyayahan ko ang lahat na maging matapat sa sarili sa paghahanap ng katotohanan. Ang talino at kaisipan na ipinagkaloob ng dakilang lumikha ay nararapat na unang pairalin kaysa sa bugso ng damdamin. Ang paggamit lamang ng emosyon ay nagsisilbing balakid sa paghahanap ng tamang landas at nawa’y patnubayan tayo ng Allah sa tamang landas tungo sa kanyang Paraiso.
Ipinapayo sa isat-isa ang katotohanan at ipinapayo sa isat-isa ang pagtitiis upang makamtan ang buhay na walang hanggang kaligayahan insha Allah.
Assalamo alaykom warahmatullahi wabarakatuh.