Ang pagpupuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga daigdig at nawa’y igawad ang pagpapala at kapayapaan sa Kanyang huling Sugo na si Propeta Muhammad (SAW).
Mga kapatid, alam nating lahat na ang buhay natin dito sa Mundo ay punong-puno ng kasiyahan, mga makamundong bagay at pagnanasa at punong-puno ng pagdadalamhati at pagtitiis. Ayon sa isang Hadeeth na isinalaysay ni Ibn Omar (kalugdan siya ng Allah) at ang kanyang sinabi: Inilagay ng Sugo ng Allah ang kanang kamay sa balikat ko at sinabi niya: “Gawin mo ang sarili mo sa Mundo na ikaw ay parang dayuhan o dumadaan lamang.” (Bukhari).
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “Ang pangkasalukuyang buhay dito sa Mundo ay isa lamang (pansamantalang) kasiyahan, at ang kabilang buhay ang siyang tahanan na magtatagal (walang hanggan).” (40:39).
Mas mapalad ang mga taong nabubuhay dito sa Mundo na matiisin sa lahat ng bagay gaya halimbawa ng umiiwas sa mga gawaing pang-aapi, pang-aalipusta at sila ang mga taong mapagparaya sa lahat ng bagay maging ito man ay biktima ng anumang karahasan.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At sundin ninyo ang Allah at ang Kanyang Sugo at huwag kayong makipagtalo (sa isa’t isa) baka kayo ay mawalan ng tapang at ang inyong lakas ay mapalis; At kayo ay magtiis, katotohanang ang Allah ay nasa (panig ng) mga taong matiisin.” (8:46)
Naway nakapagdulot tayo ng magandang aral sa maikling artikulong ito sa tulong at basbas ng nag-iisang tunay na Diyos (Allah) at itapok ang kapayapaan at pagpapala sa kanyang huling Sugo na si Propeta Muhammad (SAW) at sa kanyang pamilya. Mabuhay at mapayapang pamumuhay sa ating lahat.
Mula sa panulat ni Bro. Jamal Malibong