Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang panlilibak ay ang pagbanggit mo tungkol sa iyong kapwa ng anumang bagay na kasusuklaman niya habang wala siya, maging ito man ay tungkol sa kanyang pananampalataya, kaasalan o pagkatao. Ito ay inihalintulad ng Allah (SWT) sa isang bagay na kasuklam-suklam na pandidirian ng mga tao.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’ân:
وَلَا يَغْتَبْ بَعْضُكُمْ بَعْضًا أَيُحِبُّ أَحَدُكُمْ أَنْ يَأْكُلَ لَحْمَ أَخِيهِ مَيْتًا فَكَرِهْتُمُوهُ وَاتَّقُوا اللهَ إِنَّ اللهَ تَوَّابٌ رَحِيمٌ. سورة الحجرات
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At huwag libakin ng ilan sa inyo ang iba, ano ibig ba ng isa sa inyo na kumain ng laman ng patay niyang kapatid? Kaya kasusuklaman ninyo ito, datapwa’t katakutan ninyo ang Allah, katotohanang ang Allâh ay laging tumatanggap ng pagbabalik-loob, ang pinakamahabagin.” (49: 12).
عَنْ أَبِي هُرَيْرَةَ رَضِيَ اللهُ عَنْهُ قَالَ: قَالَ رَسُولَ اللهِ صَلَّى اللهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ: أَتَدْرُونَ مَا الْغِيبَةُ؟ قَالُوا: اللهُ وَرَسُولُهُ أَعْلَمُ، قَالَ: ذِكْرُكَ أَخَاكَ بِمَا يَكْرَهُ. قِيلَ أَفَرَأَيْتَ إِنْ كَانَ فِي أَخِي مَا أَقُولُ؟ قَالَ: إِنْ كَانَ فِيهِ مَا تَقُولُ فَقَدْ اغْتَبْتَهُ، وَإِنْ لَمْ يَكُنْ فِيهِ فَقَدْ بَهَتَّهُ. رواه مسلم 2589
Ayon kay Abū Hurayrah (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Sinabi ng Sugo ng Allah (SAW): “Alam ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng panlilibak?” Sinabi nila: Ang Allâh at ang Kanyang Sugo ang higit na nakakaalam. Sinabi niya: “Ang pagbanggit mo sa iyong kapatid ng anumang bagay na kasusuklaman niya.” May nagsabi: Kung gayon, ano po sa tingin mo kung nasa kapatid ko ang aking sinasabi? Sinabi niya: “Kung nasa kanya ang iyong sinasabi ay tiyak na nilibak mo siya, at kung wala naman ito sa kanya ay siniraang-puri mo siya.” Iniulat ang Hadeeth na ito ni Muslim (2589).