Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT), Siya lamang ang karapat-dapat nating purihin, Siya lamang ang hinihingian natin ng tulong, tayo’y magpapakopkop sa Allah (SWT) laban sa kasamaan ng ating mga sarili at laban sa kasamaan n gating mga gawain, ang sinuman ang patnubayan ng Allah (SWT) ay walang makakaligaw sa kanya at ang sinuman ang tatanggi mula sa patnubay ng Allah (SWT) ay walang makakapatnubay sa kanya.
Ang mga Muslim ay naniniwala sa kaisahan ng Allah (SWT), ang mga Muslim ay naniniwala sa Kanyang mga Anghel, ang mga Muslim ay naniniwala sa Kanyang mga Aklat o Rebelasyon, ang mga Muslim ay naniniwala sa Kanyang mga Propeta at Sugo, ang mga Muslim ay naniniwala sa Huling Araw o Araw ng Paghuhukom ibig sabihin ay tayo ay mamamatay at muling mabubuhay, ang mga Muslim ay naniniwala sa tinatawag na kapalaran mabuti man o masama na pangyayari ay tinatanggap ng mga Muslim sapagkat iyon ay kapalaran na ibinigay ng Allah (SWT).
Ang mga nabanggit na ito ay pinaniniwalaan at isinasapuso o isinasabuhay ng mga Muslim at ito ang tinatawag na anim na mga haligi ng pananampalataya sa Islam.
Ang pananampalataya sa Allah (SWT) ay ang lubos na paniniwala sa pagka-Panginoon ng Allah (SWT), ang tanging namamahala, nagmamay-ari at lumikha sa lahat ng mga nilikha. Siya lamang ang Panginoon at wala ng iba, Siya lamang ang Tagapaglikha at wala ng iba. Siya lamang ang karapat-dapat na pag-ukulan ng pagsamba at wala ng iba sapagkat Siya ay walang katambal. Ang pananampalataya sa Allah (SWT) ay naaangkop ang apat na bagay:
- Ang paniniwala sa pagkakaroon ng Allah (SWT).
- Ang paniniwala sa Kanyang pagka-Panginoon.
- Ang paniniwala sa Kanyang pagka-Diyos.
- Ang paniniwala sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an:
وَإِلَهُكُمْ إِلَهٌ وَاحِدٌ لَا إِلَهَ إِلَّا هُوَ الرَّحْمَنُ الرَّحِيمُ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At ang inyong Diyos ay nag-iisang Diyos lamang, wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya, ang pinakamaawain, ang pinakamahabagin.” (Surah Al-Baqarah 2:163)