Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang pagtsitsismis ay ang paghahatid ng impormasyon sa mga tao ng may katiwalian. Ito ay isang gawaing magdudulot ng away at iskandalo sa pagitan ng mga tao. Bagama’t sa puntod pa lang ng isang taong tsismoso/tsismosa ay makakatikim na ng matinding kaparusahan dahil sa kasalanang tsismis.
Sinabi ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
وَلَا تُطِعْ كُلَّ حَلَّافٍ مَهِينٍ. هَمَّازٍ مَشَّآءٍ بِنَمِيمٍ. سورة القلم
“At huwag mong sundin (dinggin) ang bawat palasumpang hamak. Na mapanlait, na mapagkalat ng tsismis.” (68: 10-11)
Sinabi pa ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
مَا يَلْفِظُ مِنْ قَوْلٍ إِلَّا لَدَيْهِ رَقِيبٌ عَتِيدٌ. سورة ق
“Walang isa mang salita na mabibigkas maliban na lamang sa ito ay may raqeeb (tagapagmasid sa gabi at umaga) at ‘ateed (naroroon at hindi mawawala).” (50: 18).
عَنْ حُذَيْفَةَ رَضِيَ اللهُ عَنْهُ قَالَ: قَالَ رَسُولُ اللهِ صَلَّى اللهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ: لا يَدْخُلُ الْجَنَّةَ نَمَّامٌ. رواه مسلم105
Ayon kay Hudhayfah (kalugdan siya ng Allâh) kanyang sinabi: Sinabi ng Sugo ng Allâh (SAW): “Hindi makakapasok sa Paraiso ang taong tsismoso/tsismosa.” Iniulat ang Hadeeth na ito ni Muslim (105).
وعَنْ ابْنِ عَبَّاسٍ رَضِيَ اللهُ عَنْهُمَا قَالَ: مَرَّ النَّبِيُّ صَلَّى اللهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ بِقَبْرَيْنِ، فَقَالَ: إنَّهُمَا لَيُعَذَّبَانِ، وَمَا يُعَذَّبَانِ فِي كَبِيرٍ، أَمَّا أَحَدُهُمَا فَكَانَ لَا يَسْتَتِرُ مِنْ الْبَوْلِ، وَأَمَّا الْآخَرُ فَكَانَ يَمْشِي بِالنَّمِيمَةِ. رواه البخاري218، ومسلم292
Ayon naman kay Ibnu ‘Abbās (kalugdan siya ng Allâh) kanyang sinabi: Napadaan ang Sugo ng Allâh (SAW) sa dalawang puntod, at kanyang sinabi: “Silang dalawa ay pinaparusahan, at hindi sila pinaparusahan dahil sa malaki, gayong ang isa sa kanilang dalawa ay hindi nagtatakip sa kanyang pag-ihi (hindi umiiwas sa bahid ng kanyang ihi), at ang pangalawa naman ay nagkakalat ng tsismis.” Iniulat ang Hadeeth na ito nina Al-Bukhāri (218) at Muslim (292).