Ang Pagtanggap ng Pamaskong Handog

paskoItinala ni Bro. Abdullah Tabing

Tanong: Sana po ay maipaliwanag niyo sa amin kung ang isang Kristiyano o hindi Muslim ay pwedeng magbigay ng regalo para sa Pasko sa isang Muslim,  at kung ito ba ay pwedeng tanggapin nating  mga Muslim lalo na kung  minsan pa ang regalo ay may nakasulat na “Pamaskong Handog”

Sagot: Bismillah, Alhamdulillahi Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah Waala Alihi Wasahbhi Waba’d. Nabanggit natin sa una nating pagpapaliwanag ang pagkakaisa ng mga pantas sa Islam (Kaawan sila ng Allah) sa pagbabawal sa paggunita ng neros at pista ng hindi mga Muslim o sa mga kaarawan nilang nauugnay sa kanilang pananampalataya, at ang pagtulong sa paggunita ng mga ito gayundin ang panggagaya sa kanila. Ayon sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng isa sa mga talata: “At huwag kayong kumiling tungo sa mga tao na gumagawa ng kamalian (mapang-api), sapaka’t baka ang Apoy ang dumila sa inyo..” (11: 113). Sinabi rin ni Propeta (Sumakanya ang kapayapaan): “Sinuman ang dumaan sa kanilang lugar (mga hindi nananampalataya) at gumawa ng kanilang neros at pista at gumagaya sa kanila hanggang sa siya ay mamatay, ay iipunin sila at siya ay makabilang sa kanila sa Araw ng Paghuhukom.” Al-Baihaqi. “Sinuman ang dumalo sa kanilang (mga hindi nananampalataya) neros at pista ay iipunin kabilang sa kanila sa Araw ng Paghuhukom.” “Sinuman ang gumagaya sa mga tao ay kasama din sa kanila.” Abu Daud at Ahmad.

Kaya, ang isang hindi Muslim ay maaaring magbigay ng pagkain at inumin o regalo sa mga Muslim kahit anumang oras o panahon kung ang mga ito ay hindi ipinagbawal sa Pananampalatayang Islam at walang ugnayan sa mga kaarawang hindi ipinapahintulot, at ang mga ito ay hindi masama na tanggapin ng mga Muslimat. Subalit, kung ang mga pamimigay na ito ay may ugnayan sa kanilang neros at pista o kaarawang hindi ipinahihintulot sa Islam o kaya ay malinaw ng nakasulat ang Pamaskong Handog ay hindi na nararapat na tanggapin lalo pa kung ang nagbibigay ay magsabi sa kanyang binibigyan na ito ay para sa Pasko ayon sa mga nag-uusisa sa Batas, sapagkat naituturing na tulong sa kanilang paggunita o bilang panggagaya din sa kanila, at ito ay tiyak na nakakaapekto sa mga anak o sa mga susunod na henerasyon. Hindi rin maaari ang pagtanggap ng mga ito o anumang ipinagbabawal sa layuning upang hindi mapahiya at masuklam ang kaibigan na nagbibigay ng regalo o sinumang tao na may katungkulan sa halip na pagsabihang mamimigay na lang ng kawang-gawa sa kahit anumang oras o kaya ay isulat na lamang ang regalo o pamimigay ni Pedro, halimbawa, para sa mga Muslim, sapagkat ang pagsasabi ng tama o katotohanan sa isang may katungkulan ay karangalan at hindi nararapat na sundin ang sinumang nilikha sa hindi tama’t makatotohanan o kaya ay sa pagsusuway sa Tagapaglikha.

Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam.

Related Post