Sino po ba ang ating mga magulang? At ano ang karapatan ng mga magulang para tayo ay utusan, pangaralan at pagsabihan at higit sa lahat ay mabigyan ng babala, sino nga ba sila at bakit kailangan natin sundin ang kanilang kautusan at bakit kailangan din natin sumuway sa iba nilang ipinag-uutos.
Ang Allah (SWT) ay lumikha ng tao sa maraming pamaraan. Si Adan (AS) ang unang tao na kanyang nilikha at lumikha din Siya ng tao sa pamamagitan ng isa sa bahagi ng katawan ng lalaki at iyon ay si Eva ang unang babaing kanyang nilikha. Sila ang unang mga magulang dito sa mundong tao. Dahil lumikha din ang Allah (SWT) ng tao sa paraan ng lalaki at babae. Sinabi ng Allah (SWT) ang kataas taasan:
“Katotohanan Aming nilikha ang tao mula sa nutfah (magkahalong katas ng semilya ng lalaki at babae)…” (76:2).
Pagkatapos ay lumiha din ang Allah (SWT) ng tao sa paraan ng isang babaena walang sinumang lalaki ang sumalin sa kanya iyon ay si Virgin Mary at ang kanyang anak ay ang dakilang Propeta na si Hesus (AS).
Maraming ulit na lumikha ang Allah (SWT) ng tao at tayo ay nilikha ng Allah (SWT) sa paraan ng nutfah ng lalaki at babae iyon ay ang ating mga magulang. Bakit kailangan nating sundin ang ating mga magulang? Ipinag utos ng Allah (SWT) bilang tungkulin ang pagsunod sa mga magulang mula sa kanilang ipinag-uutos at ituturing din na ang magandang pakikitungo sa mga magulang at pag mamagandang-loob sa kanila bilang isa sa mga pinaka dakila at mabuting gawain at ito rin ang pinakamarami sa gantimpalang inilaan ng Allah (SWT) na ito ini-uugnay ng Allah (SWT) pagsamba sa Kanya at sa Kanyang kaisahan. At ito din ay isa sa mga pinaka dakilang kadahilanan ng pagpasok sa Paraiso.
Kabilang sa pinakamalaking kasalanan ang pag suway sa mga magulang. Batay sa sinabi ng Propeta Muhammad (SAW) sa mga Sahaba (kasamahan): Nais ba ninyong ipabatid ko sa inyo ang pinakamalaki sa mga malalaking kasalanan? Kanilang sinabi: Oo o Sugo ng Allah. Siya ay nagsabi: Ang pagtatambal sa Allah (SWT) at ang pagsuway sa mga magulang.
Ang pagsuway sa kautusan ng magulang ayon sa batas ng Islam. Sinabi ng Allah (SWT) ang kataas taasan:
“At Aming ipinagtagubilin sa tao na maging mabuti sa kanyang mga magulang datapwa’t kung sila ay magsikap upang ikaw ay magtakda ng katambal sa Akin (sa pagsamba) na rito ay wala kang anumang kaalaman, kung gayon sila ay huwag mong sundin.” (29:8)
Kung magkataon man at mangyari na ang mga magulang natin ay hindi mga Muslim tungkulin pa rin natin na sumusnod sa kanilang kautusan at magkaroon tayo ng magandang pakikitungo para sa kanila dahil sinabi ng Allah (SWT) ang kataas taasan:
“Datapwa’t kung sila ay kapwa magsikap upang ikaw ay magtambal ng iba pa sa Akin (sa pagsamba) sa mga bagay na wala kang kaalaman: Sila ay huwag mong sundin, datapwa’t pakitunguhan mo sila sa mundong ito sa mabuting paraan.” (31:15).
At ang pinakamabuti nating magagawa kung ang ating mga magulang ay hindi mga Muslim ay anyayahan natin ang ating mga magulang at bahagian natin sila ng ating kaalaman tungkol sa Islam at gawan din natin sila ng mga kabutihan at magandang pakikitungo lalo na sa panahon na ang ating mga magulang ay sumapit na sa katandaan. Ang kataas taasang Allah (SWT) ay nagsabi:
“At nag-utos ang inyong Panginoon na huwag kayong sumamba sa iba maliban sa Kanya, at maging mabuti sa inyong mga magulang; kung isa sa kanila o silang dalawa ay sumapit sa katandaan ng buhay ay huwag kang mangusap sa kanila ng uff (isang salitang lapastangan) at sila ay huwag mong sigawan bagkus mangusap sa kanila ng marangal na pangungusap.” (17:23)
Malinaw na sinabi ng Allah (SWT) na ito ay tungkulin at ipinag-utos sa tao ang pagsunod sa kanyang mga magulang at huwag silang sigwan o hiyawan lalong lalo na sa panahon ng kanilang katandaan at kahinaan.
Mula sa panulat ni Bro. Musa Moises Martin.