Ang bawat papuri ay para sa Allâh (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang pagsaksi sa kabulaanan ay ang pagtestigo ng tao sa isang bagay na nangangailangan ng ebidensya o katibayan sa katotohanan at pangyayari hinggil sa isyu. Kay rami nang nawalan ng karapatan, nagtamo ng hindi karapat-dapat para sa kanila, nahatulan ng kawalang-katarungan sa mga inosenteng mga tao dahil sa pagwawalang-bahala at pakikipagsabwatan sa pagtakip o pagtakas sa katotohanan sa hukuman.
Sinabi ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
فَاجْتَنِبُوا الرِّجْسَ مِنَ الْأَوْثَانِ وَاجْتَنِبُوا قَوْلَ الزُّورِ. سورة الحج
“Kaya’t layuan ninyo ang kasuklam-suklam na mga diyus-diyusan at layuan ninyo ang pagsasalita ng kabulaanan.” (22: 30).
Sinabi pa ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
وَالَّذِينَ لَا يَشْهَدُونَ الزُّورَ وَإِذَا مَرُّوا بِاللَّغْوِ مَرُّوا كِرَامًا. سورة الفرقان
“At sila na hindi sumasaksi sa kabulaanan, at kapag sila ay dumaan sa masamang pag-uusap, sila ay dumadaan doon ng may dangal.” (25: 72)
عَنْ أَبِي بَكْرَةَ رَضِيَ اللهُ عَنْهُ قَالَ: قَالَ رَسُولُ اللهِ صَلَّى اللهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ: أَلَا أُخْبِرُكُمْ بِأَكْبَرِ الْكَبَائِرِ؟ قُلْنَا: بَلَى يَا رَسُولَ اللهِ. قال: الإِشْرَاكُ بِاللهِ، وَعُقُوقُ الْوَالِدَيْنِ. وَكَانَ مُتَّكِئًا فَجَلَسَ، فقَالَ: أَلَا وَقَوْلُ الزُّورِ، وَشَهَادَةُ الزُّورِ. فَمَا زَالَ يُكَرِّرُهَا حَتَّى قُلْنَا: لَيْتَهُ سَكَتَ. رواه البخاري5976، ومسلم87
Ayon kay Abū Bakrah (kalugdan siya ng Allâh) kanyang sinabi: Sinabi ng Sugo ng Allâh (SAW): “Hindi ko ba ibabalita sa inyo ang pinakamalaking mga kasalanan?” Kami ay nagsabi: Opo, O Sugo ng Allâh. Sinabi niya: “Ang pagtatambal sa Allâh, at ang pagsuway sa mga magulang.” Nakasandal siya dati kaya naupo, at sinabi niya: “Kaingat sa pagsasalita ng kabulaanan, at sa pagsaksi ng kabulaanan.” Patuloy na inulit-ulit niya iyon hanggang sa kami ay nagsabi na sana ay tumahimik na siya. Iniulat ang hadeeth na ito nina Al-Bukhāri (5976) at Muslim (87).