Bismillah, Alhamdulillah…
Ipinag-utos sa sinumang lalaking nagnanais na mag-asawa na pumili ng babaeng kanyang mapapangasawa. Narito ang ilan sa mga katangian ng babae na itinagubilin ni Propeta Muhammad (SAW) na dapat piliin:
1. Ang babaeng palaanak at mapagmahal. Ayon kay Anas na anak ni Maalik (Kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Sinabi ng Sugo ng Allah: “Pangasawahin (pakasalan) ninyo ang (babaeng) palaanak na mapagmahal sapagkat katotohanang ipagdadami (o ipagmamalaki) ko kayo sa mga Propeta sa araw ng paghuhukom.” Iniulat ang Hadeeth na ito ni Imaam Ahmad. Tingnan ang Subulos Salaam Sharh Buloogh Al-Maraam, Hadeeth 3/920, Ikatlong Bahagi, Pahina 113.
2. Ang babaeng may salapi, may magandang asal, may itsura at higit sa lahat ay babaeng relihiyosa, gayon man, ang pagkarelihiyosa ng isang babae ay magiging sapat na upang siya ay piliin. Ayon kay Abu Hurairah (Kalugdan siya ng Allah), sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): “Pinakakasalan ang isang babae para sa apat na bagay (o dahilan): Para sa kanyang salapi, sa kanyang kaasalan, sa kanyang kagandahan at sa kanyang relihiyon, at gawin mong magiging sapat na upang iyong piliin ang (babaeng) may pagkarelihiyosa dahil maaalabukan ang iyong dalawang kamay (kapag hindi mo ito pinili).” Napagkasunduan ang Hadeeth na ito nina Al-Bukhaari at Muslim, Tingnan ang Subulos Salaam Sharh Buloogh Al-Maraam, Hadeeth 4/921, Ikatlong Bahagi, Pahina 113.
Ang ibig sabihin ng “maaalabukan ang iyong dalawang kamay” ayon sa mga pantas ay ito ay bilang panalangin upang dumanas ng paghihirap ang isang lalaking nagnanais na mag-asawa sa babaeng walang pagkarelihiyosa. Tingnan ang Fiqhos Sunnah, Ikalawang Bahagi, Pahina 14, Paalaala sa ibaba.