Ang Pagkakasundo Ng Dalawang Asawa

1 Bismillah, Alhamdulillah…

Alam nating lahat na hindi madali sa isang maybahay ang malamang may ibang minamahal ang kanyang asawa. Ayaw niya ang may kahati dito at mabibilang lamang sa mga maybahay ang gustong mag-asawa ng isa pa o higit ang kanilang asawa. Dahil sa Islam ay ipinahintulot sa mga kalalakihan ang mag-asawa ng higit sa isa kung ito ay kaya nila tustusan.

Karamihan sa mga kababaihan na ang pagkakaalam nila o tumatatak sa kanilang isipan na dahilan kung kaya mag-aasawang muli ang kanilang asawa ay dahil sa hindi na ito mahal, mayroon siyang pagkukulang o di kaya ay hindi siya kuntento sa kanya. Ang mga kadahilanang iyan ay walang katotohanan kung ang isang asawa (lalaki) ay may malaking pagkatakot sa Allah (SWT) dahil hindi naman basta na lamang mag-aasawa ang lalaking may malaki o malawak na kaalaman sa Islam kung ito ay makakasama sa kanya o sa kanyang pamilya. Kung siya ay may malawak na kaalaman sa Islam ay matatakot siyang dumagdag ng asawa kung hindi niya ito kayang panindigan.

Maraming mga haka-haka o kuro-kurong pumapasok sa isipan ng mga kababaihan na dahilan ng di nila pagkaka-unawaan subalit kung ang isang maybahay ay matatag at may pananalig sa Allah (SWT) ay hindi siya makakapag-isip ng mga bagay na ikasisira ng kanilang pagsasama.

Basi sa aking karanasan bilang may kasama sa piling ng aking asawa ay masasabi kong ito ay napakasakit, may mga namumuong bagay na hindi maganda sa aking isipan subalit dahilan na rin sa aking malawak na pang unawa sa aking asawa at sa aking matatag na pananampalataya sa Allah (SWT) ay maluwag at taos puso ko itong tinanggap. Nauunawaan ko ang aking asawa kung bakit niya ginustong madagdagan ako sa piling niya at iyon ay aking naunawaan. Ang pag tanggap ko sa asawa ng aking asawa ay nakapag bigay sa akin ng kapanatagan at katahimikan sa aking puso’t isipan. Aaminin kong minsan ay nakakaramdam ako ng pagseselos subalit ito ay aking binabali wala at inisip ko o madalas kong sabihin sa aking sarili na bakit nga ba ako nagseselos na wala namang dahilan? Sapagkat nakikita ko rin naman sa aking asawa na pantay ang pagtingin at trato niya sa aming dalawa sa pisikal na aspeto. Higit sa lahat ay madalas kong iniisip at itinatak sa aking isipan na dumadaan lang tayo dito sa Mundo sapagkat may mas maganda, matiwasay at walang hanggang pagsasama namin sa aming asawa ay nasa kabilang buhay kung ito ay ipagkakaloob sa amin ng Allah (SWT).

Para maging tahimik at laging masaya ang pamilya o pagsasama ng mag-asawa kahit na kayo ay dalawa o higit pa sa piling ng inyong asawa ay kailangan ninyo (mga asawa) na tanggapin ng buong puso ang isa’t isa. Maging kumportable sa isa’t isa upang maiwasan ang mga bagay na hindi pagkakaunawaan. Kaibiganin at respetuhin ang bawat isa, huwag pag-isipan o husgahan ng hindi maganda ang bawat isa, ilagay sa tamang lugar ang pagseselos, huwag mag bangayan, pag bigyan ang isa’t isa sa mga ninanais nito na makakabuti, ibahagi ang mga kuro-kuro tungkol sa mga magagandang bagay para sa pamilya. Isa pang magandang gawin ay huwag ring isipin na kayo ay magkahati sa piling ng inyong asawa, isipin na hindi lang kayo mga asawa kundi matalik pa na magkaibigan at higit sa lahat ay mahalin ang isat isa. Laging isaisip na ang ginagawa ninyong pagkakasundo at pagtanggap sa isa’t isa ay hindi para kanino kundi para sa Allah (SWT).

Mula sa panulat ni Sohidra Lozada.

Related Post