Ang kahulugan ng pag-aayuno sa Islām ay ang pagpigil at pag-iwas sa pagkain, inumin, pakikipagtalik at sa lahat ng mga nakakasira sa pag-aayuno mula sa pagsapit ng Fajr (o pagbukang liwayway) hanggang sa paglubog ng araw na may kasamang layunin.
Lahat ng Nasyon ng mga Muslim ay nagkakaisa na ang pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍān ay obligado sapagkat ito ay kabilang sa mga haligi ng Islām. Ang pag-aayuno ay ipinag-utos ng Allâh (SWT) noong ikadalawang taon ng Hijrah o pag-ibakwit ni Propeta Muḫammad (SAW) mula sa Makkah tungo sa Madeenah, kaya si Propeta Muḫammad (SAW) ay nakapag-ayuno ng siyam na Ramaḍān. Ang pag-aayuno ay ipinag-utos din sa mga naunang pamayanan.
Ang buwan ng Ramaḍān ay ika-9 na buwan ng Hijri o Kalendaryong Islamiko. Ilang araw pa bago dumating ang buwan ng Ramaḍān ay nananalangin na ang mga Muslim sa buong Mundo na sana’y ipagkaloob ng Allâh (SWT) na maabutan ang buwan na ito.
Bilang karagdagang kalaman ay narito ang mga pangalan ng labing dalawang buwan sa Hijri o Kalendaryong Islamiko:
- Muḫarram (محرم).
- Ṣafar (صفر).
- Rabi‘ Awwal (ربيع الأول).
- Rabi‘ Thāni (ربيع الثاني).
- Jamād Awwal (جماد الأول).
- Jamād Thāni (جماد الثاني).
- Rajab (رجب).
- Sha‘bān (شعبان).
- Ramaḍān (رمضان).
- Shawwāl (شوال).
- Dhul Qa‘dah (ذو القعدة).
- Dhul Ḫijjah (ذو الحجة).