Ang Tarâweeⱨ ay salitang arabik na ang kahulugan nito ay panggabing dasal pagkatapos ng Ṣalâtul Eshâ tuwing buwan ng Ramaḍân. Ito ay isang kanais-nais na pagdarasal na kung saan ay mainam na isagawa nang sabay-sabay (kongregasyon).
Kapag sinabi na Ṣalâtut Tarâweeⱨ, ang ibig sabihin nito ay pagdarasal ng Taraweeⱨ, sa ibang katawagan nito ay Ṣalâtul Qiyâm.
Ang Ṣalâtut Tarâweeh o kaya’y pagdarasal ng Tarâweeⱨ ay isang kapatawaran sa mga naunang kasalanan. Ayon kay Abu Hurayrah (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang magdasal ng Qiyâm (Tarâweeⱨ) bilang pananampalataya at hangad matamo ang gantimpala ay patatawarin para sa kanya ang kanyang mga naunang kasalanan.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1187, Ikatlong Bahagi, Pahina 350.