Ang I’tikâf ay salitang arabik na ang kahulugan nito ay ang pananatili sa Masjid sa layuning pagsamba para sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ). Ito ay higit na kanais-nais na isagawa sa huling sampung araw ng Ramaḍân. Ayon kay Ibnu Omar (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: “Nakaugalian ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na siya’y nag-ii’tikâf (nananatili sa Masjid) sa huling sampung araw ng Ramaḍân.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍuṣ Ṣâliⱨeen, Ⱨadeeth 1/1268, Ikatlong Bahagi, Pahina 402.
Isinasagawa ang I’tikâf sa pamamagitan ng paghiling ng kabutihan at umaasang makamit ang Laylatul Qadr. Kaya ipinapayo sa mga nagsasagawa ng I’tikâf na maglaan ng mga gawaing pagsunod sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) tulad ng pagdarasal, pagbabasa ng Qur’ân, paggunita sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ), gayon din ang pananalangin o paghiling ng kapatawaran.