Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang ibig sabihin ng ‘Aashooraa ay ang ikasampung araw ng unang buwan sa Hijri Calendar o kaya’y Islamic Calendar, at ang unang buwan na ito tinatawag na Muharram. Ito ang araw ng pagkaligtas ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) kasama ang kanyang mga pamayanan mula sa kasamaan ni Paraon, at ito rin ang araw ng pagkalunod ni Paraon at ang kanyang mga alagad sa karagatan. Si Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) ay nag-ayuno sa araw na ito bilang pasasalamat sa Allah (SWT), kaya dahil dito ay nag-ayuno din si Propeta Muhammad (SAW) sa araw na ito. Napakahalaga ang pag-aayuno sa araw ng ‘Aashooraa at kabilang sa kahalagahan nito ay mabubura ang isang taon na naunang kasalanan.
Sa isang Hadeeth, ayon kay Qataadah (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Katotohanang itinanong sa Sugo ng Allah (SAW) ukol sa pag-aayuno sa araw ng ‘Aashooraa? At sinabi niya: “Binubura nito ang isang taon na naunang kasalanan.”Iniulat ang Hadeeth na ito ni Muslim.
Sa isa pang Hadeeth, ayon kay Ibnu ‘Abbaas (kalugdan sila ng Allah): “Katotohanang ang Sugo ng Allah ay nag-ayuno sa araw ng ‘Aashooraa, at ipinag-utos niya ang pag-aayuno sa araw na ito.” Napagkasunduan ang Hadeeth na ito nina Al-Bukhaari at Muslim.
Sa isa pang Hadeeth, ayon kay Ibnu ‘Abbaas (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW) : “Kung sakaling makakaabot pa ako sa susunod na taon ay tiyak na pag-aayunuhan ko ang ikasiyam (na araw ng Muharram).” Iniulat ang Ḥadeeth na ito ni Muslim.
Kaya, mainam din na pag-ayunuhan ang ikasiyam na araw bago mag-ayuno ng ikampung araw ng Muharram, ito ang tinatawag na sa wikang arabik na Taasoo’aa.