Ang bawat papuri ay para sa Allâh (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Nawa’y ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW), ang pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang taong nananampalataya ay hindi nagmamataas o pinagmamataasan ang kanyang kapwa maging sa pamamagitan ng kanyang pananalita o gawa, magiliw ang kanyang mukha at mapagkumbaba sa paglalakad. Sinabi ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
وَعِبَادُ الرَّحْمَنِ الَّذِينَ يَمْشُونَ عَلَى الْأَرْضِ هَوْنًا وَإِذَا خَاطَبَهُمُ الْجَاهِلُونَ قَالُوا سَلَامًا. سورة الفرقان
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At ang alipin ng Allâh ay naglalakad sa kalupaan na may pagpapakumbaba.” (Surah Al-Furqaan 25:63).
Ang taong nananampalataya ay lumilitaw ang liwanag sa kanyang mukha, tulad ng sinabi ng Allâh (SWT) sa Banal na Qur’ân:
سِيمَاهُمْ فِي وُجُوهِهِمْ مِنْ أَثَرِ السُّجُودِ. سورة الفتح
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Sa kanilang mga mukha ay mayroong marka mula sa bakas ng kanilang pagpapatirapa.” (Surah Al-Fath 48:29).
Kaya, ang taong Muslim ay nararapat na maging huwaran ng iba at sikapin niyang gawin ang mga ganitong kaugalian. Ang Islaam ay isang relihiyon na taglay nito ang kabutihan at kagandahang-asal na kung saan ay ito ang ipinangangaral sa lahat ng mga Muslim. Nabanggit sa Banal na Qur’ân na pinuri ng Allâh (SWT) ang Kanyang huling Propeta at Sugo:
وَإِنَّكَ لَعَلَى خُلُقٍ عَظِيمٍ. سورة القلم
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanan, ikaw (o Muhammad) ay nag-aangkin ng mataas na pag-uugali.” (Surah Al-Qalam 68:4).